
MANILA — Sa gitna ng kanyang biyahe patungong Vatican, bumuo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang tatlong-kataong Executive Committee upang mangasiwa sa mga pang-araw-araw na operasyon ng ehekutibong sangay ng gobyerno habang siya ay wala sa bansa.
Nilagdaan ni Marcos ang Special Order No. 424 nitong Huwebes bago tumulak kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos papuntang Vatican para dumalo sa funeral ni Pope Francis.
Ang nasabing komite ay pamumunuan ng Executive Secretary bilang chairperson, kasama ang mga kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Justice (DOJ) bilang mga miyembro.
Sa kanyang mga nakaraang biyahe, itinalaga ni Marcos bilang mga caretaker ng gobyerno sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Agrarian Reform Secretary Conrad Estrella — ang parehong mga opisyal na bumubuo ngayon sa bagong komite.
Batay sa kautusan, ang nasabing komite ay awtorisadong kumilos sa ngalan ng Pangulo upang tuparin ang mga tungkulin ng ehekutibo, maliban sa mga usaping nakasaad sa Konstitusyon na kailangang personal na desisyunan ng Pangulo o yaong may kinalaman sa pambansang seguridad, kabilang na ang organisasyon ng militar at pulisya.
Lahat ng desisyon ng komite ay kailangang pagkaisahan ng tatlong miyembro. Sa kaso ng hindi pagkakasundo, ang usapin ay dadalhin sa Pangulo para sa final na resolusyon.
Inaatasan din ng kautusan ang lahat ng kagawaran, ahensya, at instrumentalidad ng pamahalaan na tumulong at makipag-ugnayan sa komite upang maisakatuparan ang mga tungkulin ng Office of the President.
Ang lahat ng hakbang ng komite ay ituturing na presidential acts, maliban na lamang kung ito’y hayagang babalewalain ng Pangulo.
More Stories
VP SARA DUDA SA TIMING NG P20/KILO NG BIGAS ROLLOUT: PANAHON NG ELEKSYON? MEDYO KAHINA-HINALA
Huwag gamitin ang mukha ng katutubo para sa pansariling interes
“Tanim Buhay” ni Ate Sarah Discaya — Binhi ng Pag-asa para sa Bawat Pamilyang Pasigueño