May 24, 2025

PBBM at Malaysian PM, Nag-usap sa Telepono Ukol sa ASEAN Economic at Security Issues

Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB

MAYNILA — Nagkaroon ng pag-uusap sa telepono sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim nitong Biyernes ng gabi upang talakayin ang mga isyu sa ekonomiya at seguridad na kinakaharap ng rehiyon ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations).

“Nagkausap kami ni Prime Minister Anwar Ibrahim ng Malaysia tungkol sa mga hamon sa ekonomiya at seguridad na kinakaharap ng ASEAN bilang isang rehiyon,” ayon kay Marcos sa isang post sa Facebook.

Ang naturang pag-uusap ay ginanap bago ang nakatakdang ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong na pangungunahan ng Malaysia ngayong buwan.

Ngayong taon ay tumatayong tagapangulo ng ASEAN ang Malaysia, habang ang Pilipinas naman ang susunod na hahawak ng rotating chairmanship sa taong 2026.

Ipinahayag din ni Pangulong Marcos na umaasa siyang maipagpapatuloy ang ganitong klaseng diskusyon sa iba pang lider ng ASEAN sa nalalapit na ASEAN Summit na gaganapin sa Kuala Lumpur sa Mayo 26–27.

Samantala, sa isang post sa X (dating Twitter), ibinahagi ni Anwar na tinalakay nila ni Marcos ang ilang mahahalagang usapin sa rehiyon, kabilang ang krisis sa Myanmar at ilang global issues.

“Ipinabatid ko sa kanya ang kagustuhan ng Malaysia na mapalawig ang tigil-putukan sa Myanmar upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng makataong tulong sa mga apektadong populasyon,” ani Anwar. “Nagkasundo rin kami na ang anumang tulong ay dapat ibigay nang walang diskriminasyon o hadlang.”

Dapat sana ang Myanmar ang gaganap na chair ng ASEAN sa 2026, ngunit inalis ito sa listahan dahil sa mga krisis domestiko sa ilalim ng militar na namumuno ngayon sa Naypyidaw.

Tinalakay rin ni Anwar ang posisyon ng Malaysia hinggil sa mga bagong taripa na ipinataw ng Estados Unidos. Ayon sa kanya, maaari itong gamitin ng Malaysia upang ipakita ang interes nito sa mga negosasyong pangtaripa, lalo na’t pansamantalang sinuspinde ng U.S. ang pagpapatupad ng taripa sa loob ng 90 araw.

Nagpahayag din si Anwar ng pagbati at suporta para sa matagumpay na midterm elections sa Pilipinas na gaganapin sa Mayo 12.