May 24, 2025

PBBM AT HIDILYN DIAZ, MANGUNGUNA SA MAKASAYSAYANG PAGBUBUKAS NG 2025 PALARO SA ILOCOS NORTE

Larawan mula sa DepEd

LAOAG CITY, Mayo 23, 2025 — Inaasahang magiging engrande at makasaysayan ang pagbubukas ng 65th Palarong Pambansa sa Sabado, Mayo 24, sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium (FEMMS), kung saan pangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang seremonyal na pagbubukas ng pinakamalaking patimpalak pampalakasan ng kabataang Pilipino.

Sa temang “Nagkakaisang Kapuluan,” inaasahang magtitipon ang 15,675 delegado at opisyal mula sa 17 rehiyon, kabilang ang National Academy of Sports (NAS), Philippine Schools Overseas (PSO), at National Technical Working Group, sa isang linggong pagdiriwang ng husay sa palakasan, kulturang Pilipino, at pambansang pagkakaisa.

Magbibigay ng keynote message si Pangulong Marcos kung saan pormal niyang ide-deklara ang pagbubukas ng Palaro. Inaasahan niyang bigyang-diin ang mahalagang papel ng kabataan at palakasan sa nation-building.

Samantala, mangunguna naman si Hidilyn Diaz sa Panunumpa ng mga Coach at Opisyal, bilang debut niya bilang Technical Director ng Weightlifting event na isa sa mga demonstration sports ngayong taon.

Magsisimula ang seremonya sa pamamagitan ng “Parada ng mga Atleta” sa ganap na 5:00 p.m., tampok ang makukulay na delegasyon ng bawat rehiyon, na pangungunahan ng mga drum and lyre corps at cheer squads habang binabagtas ang Rizal Street at Sirib Mile sa Laoag City.

Magbubukas ang pangunahing programa sa pagtatanghal ng “Palakasan: Tales of Filipino Strength,” isang malikhaing pagtatanghal na hango sa mga alamat at kasaysayan ng Ilocos tulad ng Lam-ang, Basi Revolt, at ang kwento ng Ilocano Olympian na si Teofilo Yldefonso — bilang pagkilala sa tapang, tibay, at bayanihan ng mga Ilokano.

Si Gerick Jhon Flores, isang batang baseball prodigy na record-holder sa 11th BFA U12 Asian Baseball Championship, ang magbibigay ng Panunumpa ng mga Atleta.

Samantala, ang symbolic lighting ng Palarong Pambansa lightbeam ay pangungunahan ng mga kilalang atleta mula sa dating mga edisyon ng Palaro, SEA Games, at Paralympics tulad nina Jemmuelle James Espiritu (Archery), Mark Anthony Domingo (Athletics), Jesson Cid (Decathlon), Roger Tapia (Para-athletics), at Eric Ang (Trap Shooting).

Magkakaroon din ng pagtatanghal si Angeline Quinto ng mga makabayang awit na “Ako ay Pilipino” at “Piliin Mo ang Pilipinas.”

Ang Palarong Pambansa 2025 ay inorganisa sa ilalim ng pamumuno ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte sa pangunguna nina Governor Matthew Marcos Manotoc at Vice Governor Cecilia Araneta Marcos, katuwang ang Schools Division of Ilocos Norte, at tatakbo hanggang Mayo 31.