May 17, 2025

PBBM at First Lady, dumalo sa libing ni Pope Francis sa Vatican

LARAWAN MULA SA IBC-13

MANILA – Nakiisa sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagbibigay ng huling respeto kay Pope Francis, kasama ang mga lider ng mundo at libu-libong Katoliko, sa ginanap na libing ng yumaong Santo Papa sa St. Peter’s Square sa Vatican City nitong Sabado.

Dakong alas-4 ng hapon (oras sa Pilipinas) nang magsimula ang seremonya na dinaluhan ng tinatayang 170 world leaders at 200,000 katao, ayon sa ulat ng Presidential Communications Office.

Sa isang panayam, ibinahagi ng First Lady ang kanyang alaala sa pagkikita nila ni Pope Francis, na inilarawan niya bilang isang “mapagkumbaba at mabait” na tao.

Pumanaw si Pope Francis, na isinilang na si Jorge Mario Bergoglio, noong Abril 21 sa edad na 88 dahil sa cerebral stroke, coma, at irreversible cardiovascular collapse, batay sa medical certificate na inilathala ng Vatican.

Ayon sa kanyang huling kahilingan, ililibing si Pope Francis hindi sa tradisyonal na papal tombs sa ilalim ng St. Peter’s Basilica kundi sa Basilica of Saint Mary Major—ang unang Santo Papa sa higit isang siglo na ililibing sa labas ng Vatican.

Sa bisa ng Proclamation No. 871, idineklara ni Pangulong Marcos ang pambansang pagluluksa sa buong bansa at inutos na ibaba sa kalahati ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng gusali at pasilidad ng gobyerno hanggang mailibing ang Santo Papa.

Matatandaang noong Enero 2015, sa kanyang Apostolic Visit sa Pilipinas, personal na naghatid ng pagdamay si Pope Francis sa mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda at pinuri ang katatagan ng mga Pilipino.

Si Pope Francis ay kilala sa kanyang simple at mapagpakumbabang pamumuno. Siya rin ang kauna-unahang Heswita, unang Latin American, at unang non-European na Santo Papa sa loob ng higit 1,200 taon. Pinili niya ang pangalang Francis bilang pagpupugay kay St. Francis of Assisi, patron saint ng mahihirap.