November 18, 2024

PATUPADA NI SARHENTO, NABISTO

ARESTADO ang 18 katao kabilang ang isang anti-narcotics na pulis matapos ang isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang tupada o ilegal na sabong sa Pasig City.

Ayon kay PNP-IMEG Commander Police Brig. General Ronal Lee, ni-raid ng kanyang mga tauhan ang isang residential compound sa Barangay Santolan at naaresto si Police Staff Sergeant Jose Francisco Cabusao, na nakatalaga sa Eastern Police District-Drug Enforcement Unit (EPD-DEU), kasama ang 17 sibilyan.

Ayon pa kay Lee, isinagawa ang pagsalakay ng IMEG Luzon field division at ng National Capital Region Police Office intelligence section matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga resident eng nasabing lugar.

Bukod sa mga panabong na manok ay nakumpiska din ng awtoridad ang hindi pa batid na pera at mga tari na gamit ng mga ito.

“Philippine National Police chief Gen. Archie Gamboa has a zero tolerance policy against police officers who continue to tarnish the image of the PNP,”  ani ni Lee.

Dinala ang mga suspek sa IMEG headquarters sa Camp Crame at sinampahan ng kasong paglabag sa illegal gambling.

Inutos ni Metro Manila police director Maj. Gen. Debold Sinas, na nabatikos kamakailan lang dahil sa kanyang birthday party habang may quarantine protocols, na sampahan ng kasong administratibo si Cabusao. ROMMEL C. JAVIER