December 26, 2024

PATROL CAR NAHULOG SA BANGIN, 8 PULIS SUGATAN SA DAVAO DEL SUR

DAVAO DEL SUR –  Sugatan ang walong pulis matapos mahulog ang kanilang sinasakyan na mobile patrol car sa isang bangin dakong alas-12:40 ng tanghali noong Biyernes sa Sitio Lutangan, Brgy. Kapatagan ng Digos City.

Kinilala ang mga pulis na nasugatan at  nagtamo ng mga multiple injuries na sina PLtCol. Rey Felipe Armigos, ng Davao Occidental Provincial Police Office (DoccPPO), PLt. Nico Avel Querubin, PEMS Eduardo D. Madanlo, PSSG. Dec Anthony Acosta, Pat. Jino Dela Cerna, Pat. Rejay Tambis, Pat. Melvin Villarta at si Pat. Miguel Ugsimar.

Base sa ipinadalang report ni PLtCol. Anthony Tababa, ang hepe ng Digos City Police Station sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, lulan ng RMFB 11 Mobile Patrol Car ang walong pulis habang umaakyat patungo sa mataas na bahagi sa nasabing lugar ng mawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng naturang patrol car at nagtuloy-tuloy ito na nahulog sa mabangin na bahagi na meron lalim na 300 hanggang 350 metro.

Agad naman naisugod sa Digos Hospital ang mga nasugatan at napag-alaman na apat sa mga pulis ang malubha at dalawa dito ay agad na isinakay sa PNP Chopper na kinabibilangan nina PLtCol. Armigos at si PLt. Nico Avel Querubin na inilipat sa magkahiwalay na ospital sa Davao City. (KOI HIPOLITO)