
MAYNILA — Itinalaga si Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Patricia Yvonne Caunan bilang bagong administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kapalit ng dating TV personality at public servant na si Arnell Ignacio.
Nanumpa si Caunan sa tungkulin nitong Biyernes, Mayo 16, sa harap ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac.
Ayon kay Cacdac, si Caunan ay may malalim na karanasan sa paggawa ng polisiya para sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat, na magagamit niya sa mas pinalakas na pangangalaga sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
“She has been a trailblazer… She has the legal know-how, the heart, the common sense, and the common touch, which is the most important,” ani Cacdac.
Bilang undersecretary ng DMW, naging susi si Caunan sa pagbuo ng 15 bilateral labor agreements sa mga bansang gaya ng Canada, Austria, Saudi Arabia, Qatar, Finland, Denmark, Singapore, Croatia, Slovenia, at Kuwait — mga kasunduang nagpalakas sa proteksyon para sa mga OFW.
Isang batikang abogado, may law background si Caunan sa larangan ng labor, civil, administrative, at criminal law. Kilala rin siya sa kanyang matagal nang adbokasiya para sa karapatan ng mga migranteng manggagawa.
Nagpasalamat si Caunan kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa DMW sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kanya upang pamunuan ang OWWA — ahensiyang pangunahing tumutugon sa pangangailangan at kapakanan ng mga OFW.
Samantala, si Arnell Ignacio ay unang nanilbihan bilang OWWA deputy administrator noong 2018 hanggang 2019 sa ilalim ng administrasyong Duterte, bago siya muling italaga bilang administrator noong 2022 sa ilalim ng Marcos administration.
Sa pag-upo ni Caunan, umaasa ang pamahalaan na mas mapapalakas pa ang serbisyo ng OWWA para sa milyon-milyong OFWs sa buong mundo.
More Stories
VP SARA DUTERTE SA PMA GRADUATES: ‘HUWAG MAGING KASANGKAPAN NG PANG-AAPI AT KASINUNGALINGAN’
BAGONG HALAL NA MGA KONSEHAL NG DAVAO, HAHARAP SA HAMON NG PAMUMUNO AT MGA SULIRANIN NG LUNGSOD
GSF MASTER CRISANTO CUEVAS AWARDEE SA GABI NG PARANGAL NG GILAS 2025