Huli ng ‘closed circuit television camera’ (CCTV) ang ginawang pagsisiksik ng isang babae sa isang patay na sanggol sa isang imburnal sa may Sampaloc, Maynila nitong Miyerkules ng madaling araw.
Base sa kuha ng CCTV ng Barangay 478 sa Sampaloc, dakong alas-5 ng madaling araw nang makita ang isang babae na nakasuot ng puting pantalon at itim na kamiseta na naglalakad sa kanto ng Maria Christina St., at España Boulevard.
Nakita rin ang pag-upo nang babae sa bangketa sa tapat mismo ng isang imburnal na kaniya pang sinilip. Kasunod nito ay isiniksik na niya ang isang eco bag sa butas ng imburnal saka umalis.
Dakong alas-6 ng umaga nang isang streetsweeper ang nakapansin sa eco bag na nakabara sa drainage na kaniyang tinanggal. Dito tumambad ang patay na sanggol na may nakakabit pang umbilical cord tanda na bagong silang ito. Patuloy naman ang backtracking ng mga awtoridad para malaman ang pagkakakilanlan sa babaeng nagtapon ng sanggol.
More Stories
Grand parade, pinangunahan ng Tiangco brothers
Pelikulang Restored na ‘Bulaklak sa City Hall’, Nasa YouTube na!
Gatchalian: Pag-amyenda sa Teachers Professionalization Act layong iangat ang edukasyon sa bansa