NATAGPUAN ng limang kabataang mag-aaral na naglalaro ang isang patay na sanggol na nakasilid sa isang plastic bag Biyernes ng hapon sa Navotas City.
Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging kay P/SSgt. Reysie Peñaranda, masayang naglalaro ang mga batang mag-aaral sa Brgy, San Rafael Village dakong alas-4:10 ng hapon nang makatawag sa kanilang pansin ang isang plastic bag na may tatak ng isang bantog sa department store sa kanto ng Encarnacion at Francisco Streets.
Nagkaisa ang mga bata na bulatlatin ang plastic bag at dito sila pare-parehong nagimbal nang makita sa loob ng plastic bag ang may dugo pang fetus.
Kaagad na sumugod sa San Rafael Village Barangay Hall ang mga bata upang ipabatid sa mga opisyal ng barangay ang natuklasan, na sila namang nagparating sa kaalaman ng pulisya.
Hiniling na ng pulisya sa barangay ang kuha ng kanilang mga close circuit television (CCTV) camera sa naturang lugar matapos ang pakikipag-ugnayan sa Navotas City Action Command Center at sa Navotas City Health Office sa pagbabakasakaling matunton kung sino ang nagtapon ng patay na sanggol sa nasabing lugar.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA