
Noon, ang media ang tinatawag na “Fourth Estate” — ang ikaapat na haligi ng demokrasya. Hindi ito bahagi ng gobyerno, pero may kapangyarihang magbunyag ng katiwalian, magsiwalat ng kasinungalingan, at maging tinig ng bayan.
Pero nasaan na ito ngayon? Buhay pa ba, o baon na sa limot at bayad na katahimikan?
Ngayong panahon ng fake news, troll armies, at bayarang ulat, unti-unting naglalaho ang dignidad ng Fourth Estate. Ang dating mamamahayag ay ngayo’y vlogger na, ang breaking news ay tsismis, at ang headline ay pabor sa makapangyarihan — kapalit ng bayad o pabor.
Sa halip na magbantay sa kapangyarihan, ang ilang media outlet ay tagapagtanggol na ng tiwali. Sa halip na magtanong, sumusunod. Sa halip na mag-imbestiga, nagsi-censor. Marami sa kanila, nagiging kasangkot sa pagpapatahimik kaysa sa pagpapaliwanag.
Bakit? Sapagkat sa panahon ngayon, mas mahalaga ang views kaysa sa katotohanan. Mas mahalaga ang trending kaysa sa integridad. At sa isang sistemang puno ng takot at pera, madali para sa media na yumuko, tumahimik, o magbenta ng prinsipyo.
Pero hindi pa huli ang lahat.
May iilang mamamahayag pa ring lumalaban — naghahanap ng katotohanan kahit binabantaang patahimikin. May mga alternatibong media na, kahit salat sa pondo, ay mas may tapang pa kaysa sa malalaking network.
Sa huli, tayo rin ang magpapasya kung mabubuhay muli ang Fourth Estate. Sapagkat kung mananatili tayong tahimik, kung tatanggapin natin ang kasinungalingan bilang katotohanan — tayo rin ang magpapalibing sa tunay na diwa ng malayang pamamahayag. Buhay pa ang Fourth Estate — pero unti-unti na itong pinapatay. At kung hindi tayo kikilos, tayo mismo ang tagapaglilibing.
More Stories
KOREAN SCAMMER NA MAY P400-M KASONG FRAUD, NASUKOL NG BI
39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration
Tulak, tiklo sa Malabon drug bust