January 24, 2025

PASS SA PAGGUNITA NG UNDAS SA NAVOTAS

ANG Pamahalaang Lungsod ng Navotas ay nagtakda ng mga panuntunan sa mga nais maggunita ng Undas dahil pansamantalang isasara ang lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod mula October 30 hanggang November 4, 2020.

Ito’y para maiwasang dumagsa at magsiksikan ang mga bibisita sa mga puntod, hindi masunod ang 1-2 metrong physical distancing at ma-expose sila sa COVID-19 virus.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, sa mga nais magunita ng Undas ay gawin ang itinakdang mga panuntunan bago o pagkatapos ng nabanggit na mga petsa.

Kumuha ng cemetery pass tatlong araw bago bumisita sa puntod at para makakuha nito, mag-TEXT JRT na nakalagay ang pangalan, address, age, petsa, at araw ng pagbisita sa mga cemetery (public, catholic, immaculate garden).

Hintayin ang reply ng TEXT JRT para sa cemetery pass. Ang pass ay magagamit lamang sa dalawang tao alinsunod sa schedule na nakalagay. Ipakita ang cemetery pass at valid ID sa mga nakabantay sa sementeryo.

May tatlong time slot ang pagbisita, 7am hanggang 9am, 11am hanggang 2pm at 3pm hanggang 6pm.

Paalala ng local na pamahalaan na iwasang magdala ng pagkain o inuming nakalalasing, magsuot ng face mask at face shield, at siguraduhing may 1-2 metrong distansya mula sa mga kasama.
Hindi naman pinapayagang lumabas ang mga wala pang 21-taong gulang o mga senior citizen para pumunta sa sementeryo alinsunod sa polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa kanilang kaligtasan.