
Sa tuwing lalapit ang halalan, isang salitang paulit-ulit na naririnig ng taumbayan: pagbabago. Sa Pasig, naging makapangyarihang mensahe ito noong 2019. Pinaniwalaan ng marami na ang bagong liderato ay magdadala ng bagong sistema—pantay, tapat, at makatao. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, isa-isang lumitaw ang mga tanong na hindi sinasagot, mga isyung hindi nililinaw, at mga taong hindi pinapanagot.
Ano na ang nangyari sa tablet at laptop project ni Valerie? Bakit wala pang linaw sa drone at COVID supplies issue ni Bryant Wong? Bakit tila walang direksyon ang procurement process sa ilalim ni Jo Lati, habang ramdam ng bawat departamento ang kakulangan ng kagamitan at ang kabagalan ng serbisyo?
At si Jeron Manzanero—bakit nananatiling tahimik sa mga paratang ng pagtanggap ng condo mula sa developers at benepisyo mula sa garbage contractors? Ilang taon na ang lumipas pero ni isang press release, paliwanag, o imbestigasyon ay wala.
Noong 2022, ipinangakong aayusin ang lahat gamit ang bagong data system. Pero ang resulta: mas mabagal na serbisyo, mas mahirap kumuha ng permit, mas magulo ang ayuda. Ang ipinangakong modernisasyon, naging teknolohikal na palusot.
Ngayon, may bagong isyu— nadawit sa theft case ang pangalan ni SKP Keil Custillas at habang tinamaan ng Notice of Disallowance si Patty Torres. Ngunit gaya ng nakagawian, tikom ang bibig ng lahat. Wala ni isang opisyal ang nagsalita. Wala ring paliwanag sa taumbayan.
Ang tunay na problema? Katahimikan. Hindi ang klase ng katahimikang bunga ng kaayusan, kundi katahimikang bunga ng takot, ng pagtakip, at ng kawalan ng accountability. Sa lungsod kung saan ipinangako ang reporma, tila hindi na uso ang pananagutan.
Minsan, hindi bagong pangako ang kailangan ng mamamayan. Closure lang. Linaw. Katotohanan. Katapatan.
Ang pagbabago ay hindi nagsisimula sa makukulay na adbokasiya o malalaking proyekto. Nagsisimula ito sa simpleng prinsipyo: managot kung may pagkukulang, magsalita kung may tanong, at magpaliwanag kung may duda.
Panawagan ito sa lokal na pamahalaan ng Pasig: magsalita na kayo. Ibigay ang katotohanan. Buksan ang imbestigasyon. Ipakita na hindi kayo takot sa linaw.
Dahil hangga’t hindi natutugunan ang mga isyu, mananatiling may lamat ang tiwala ng taumbayan. At hangga’t walang closure, wala ring tunay na pagbabago.
Tahimik na Pasig ang gusto ng lahat. Pero dapat, tahimik dahil may hustisya. Hindi dahil may tinatakpan.
More Stories
Makati Subway, Goodbye na (Matapos ang SC ruling)
Rep. Pulong Duterte, Inireklamo sa DOJ Dahil sa Umano’y Pananaksak at Pagbugbog sa Negosyante sa Davao Bar
RICKY DAVAO, PUMANAW NA SA EDAD NA 63