
Mahigit isang linggo na lamang bago ang halalan—at tila sa halip na proyekto, taktika at pera ang umiikot sa ilang opisyal ng kabataan sa Pasig. Sa sentro ng usapin ngayon: ang P4 milyong cash na umano’y ninakaw mula sa tanggapan ni SK Federation President Keil Custillas ng Pasig City. Pero ang tanong ng taumbayan: bakit siya may ganyang kalaking halaga sa una pa lang? At para saan ito?
Ayon sa mga ulat, ang suspek na si alias JC, miyembro umano ng Akyat Bahay Gang, ang tumangay ng naturang milyon-milyong piso. Mabuti na lamang at agad naaresto ng Pinagbuhatan Police ang driver ng getaway tricycle na si alias Jomar. Pero teka—tapos na ba ang istorya dahil lang nahuli ang isa sa mga salarin?
Hindi. Dahil ang mas mahalagang tanong ay nananatiling bitin at walang sagot:
Saan galing ang P4 milyon? Sino ang nagbigay? At saan ito gagamitin?
Si Keil Custillas, bukod sa pagiging SK Chairwoman ng Brgy. Pinagbuhatan, ay Presidente pa ng buong SK Federation ng Pasig City—isang pusisyon na binigyang tiwala mismo ni Mayor Vico Sotto. Kaya’t hindi biro ang bigat ng pananagutan sa kanya. Pero sa gitna ng election period, kung kailan malinaw ang utos ng COMELEC na bawal ang paggamit ng pampublikong pondo para sa aktibidad na maaaring makaimpluwensiya sa halalan, paano nga ba naaprubahan at nailabas ang ganitong halaga?
Ayon sa mga source, ang P4M umano ay inilaan sa isang sports league at iba pang proyektong pangkabataan. Pero saan ang detalye? Ano ang venue? Kailan ang petsa? Sino ang bumoto o pumayag para sa pondo? Walang malinaw. Lahat usap-usapan. At sa halip na inspirasyon, nagdulot ito ng agam-agam at tanong sa mga kabataan ng Pasig: may proyekto ba talagang nakaabang, o may ibang layunin ang pondong ito?
Sa Brgy. Pinagbuhatan pa lamang, tahimik pero tensyonado ang mga kabataan. Ramdam nila ang kawalang linaw at mistulang wala silang kasiguraduhan kung may mararamdaman pa silang proyekto, lalo’t tila hindi na mababawi ang nawawalang pondo.
Dahil dito, nananawagan ang mga Pasigueño ng kaliwanagan at pananagutan. Hindi sapat na sabihing “nanakaw” ang pera at tapos na ang kuwento. Ang dapat sagutin ni SK President Keil Custillas—pati na rin ng kanyang Chief of Staff na si dating SK Chairwoman Patty Torres—ay:
Saan nanggaling ang P4M? Legal ba ang pagkakaloob nito? At bakit inilabas sa gitna ng election ban?
Hindi ito simpleng petty theft. Ito ay usapin ng transparency, integridad, at pampublikong tiwala.
Kaya’t habang umaasa ang publiko sa masinsinang imbestigasyon, nararapat lamang na humarap si Keil Custillas sa mga tanong ng kanyang mga nasasakupan. Ang katahimikan ay hindi sagot—at hindi ito makakatulong sa imahe ng pamahalaang lokal na isinusulong ang “tuwid na daan.”
Ang tanong ng masa: kung para sa kabataan ang pera, bakit sila ngayon ang tila pinabayaan?
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa [email protected]
More Stories
LIBRENG SAKAY SA MRT-3, LRT-1 AT 2: ALAY NI PBBM PARA SA MGA MANGGAGAWA SA LABOR DAY
OCD Bicol, Todo na ang Tugon sa mga Apektado ng Bulkang Bulusan Eruption
Trillanes, ‘Di Pinatulan ang Hamon ni Robin Padilla: “Parang Bata, Napakababaw”