November 5, 2024

PASIG NAGBAHAY-BAHAY PARA IPAMAHAGI ANG ECQ AYUDA


NAG-DEPLOY ang local government unit (LGU) ng Pasig City ng 40 teams upang magbahay-bahay para sa pamamahagi ng GCQ ayuda sa mahihirap na mga komunidad sa naturang siyudad,” ayon kay Mayor Vico Sotto.

“Kahit na holiday ngayon, [mayroon] tayong 40 TEAMS na nag hahouse-to-house para ipamahagi ang ayuda mula sa Nasyonal [na Pamahalaan],” saad niya sa kanyang Facebook post.

Layon nito na maiwasan ang pagkukumpulan ng mga residente na umaasa na mabigyan ng tulong.

Isinagawa ang house-to-house distribution sa mga lugar na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang “pockets of poverty” o mahihirap na komunidad.

“Walang announcement, basta pupunta na lang ang mga team. Kasi sa karanasan natin, biglang dumarami ang tao pag may announcement,” ani ng alkalde.

Aniya  gagawing cashless ang ipamamahaging tulong sa mga taong nasa listahan ng DSWD-SAP. Papasok ang cash aid sa kanilang PAYMAYA accounts sa pamamagitan ng electronic money transfer.

Noong Martes (Abril 6), inanunsiyo ni Sotto na 681,743 indibidwal sa Pasig City ang makatatanggap ng P1,000 pinansiyal na tulong mula sa national government kasunod ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Aniya, tumanggap ang Pasig LGU ng kabuuang P681,743,000 na pondo mula sa national government.