May 8, 2025

“Pasig Deserves Better: Mas Mura, Mas Marami, Mas Makatao”

Sa gitna ng tumitinding banggaan sa pulitika ng Pasig, isang tanong ang pumipintig sa puso ng bawat Pasigueño: Saan ba napupunta ang bilyon-bilyong pondo ng lungsod?

Inilantad ng kampo ni mayoral candidate Sarah “Ate Sarah” Discaya ang isang alternatibong plano na naglalayong gamitin ang Php8.7 bilyon — mas mababa ng halos Php900 milyon kumpara sa Php9.6B Pasig City Hall Campus project ni Mayor Vico Sotto — para sa mas maraming makabuluhang imprastraktura: ospital, pabahay, paaralan, tulay, drainage, at covered court, bukod pa sa isang bagong city hall.

Hindi ito basta pangako. Ito’y konkretong plano na may breakdown, may presyo, at may target na tatlong taon. At higit sa lahat, may paninindigan: hindi sasali sa bidding ang sinuman sa pamilya Discaya, ayon na rin sa batas. Ibig sabihin, walang “kamag-anak, Inc.” na aamot sa proyekto.

Habang pinupuri ng ilan ang kasalukuyang administrasyon, nararapat lamang na tanungin: Bakit isang city hall lang ang ipapatayo sa halos kaparehong halaga ng planong may halos 60 pasilidad? At bakit umabot sa Php210,000 kada metro kuwadrado ang city hall — presyo na halos katumbas ng gusaling itinatayo sa Dubai?

Hindi ito usapin ng kulay. Ito ay usapin ng diskarte, malasakit, at tamang paggamit ng pondo.

Ngayong halalan, huwag tayong makuntento sa maganda sa social media. Mas mahalaga ang plano, presyo, at prinsipyo.

Kung may mas makabubuti, mas praktikal, at mas makatao — bakit hindi subukan?

Pasig, oras na para mag-isip.
Bilyon ang pinag-uusapan. Buhay natin ang nakataya.