May 10, 2025

PASIG CITY HALL PROJECT, SOBRANG MAHAL? Curlee Discaya: ‘Overpriced ang P9.6B, Dapat P2.7B lang’

PASIG CITY — Tinutulan ni Curlee Discaya, asawa ng mayoralty candidate na si Sarah Discaya, ang kontrobersyal na P9.6-bilyong Pasig City Hall project, na tinawag niyang “grossly overpriced” at insulto sa mamamayang Pasigueño.

Ayon kay Discaya, isang contractor at may-ari ng quadruple-A construction firm, kaya itong itayo sa halagang P2.7 bilyon lamang — kapareho ng disenyo at kalidad, pero mas makatwiran ang presyo.

“Ang totoong liderato ay hindi nasusukat sa dami ng ginastos kundi sa talinong paggamit ng pondo para sa kapakanan ng tao,” ani Discaya.

Base sa dokumentong nakuha mula sa Pasig City Hall Construction Consortium, ang detalyadong breakdown ng P9.6B project ay kinabibilangan ng:

  • P855.3 milyon para sa design pa lang
  • P268.4 milyon para sa demolition
  • P1.5 bilyon sa architectural works
  • P2.1 bilyon para sa structural
  • P1 bilyon sa electrical at mechanical works
  • P1.2 bilyon para sa IT systems
  • at iba pang component tulad ng plumbing, landscaping, at interior fit-out

Giit ni Discaya, ang aktwal na unit cost ng kasalukuyang proyekto ay umaabot sa P210,000 kada metro kuwadrado — katumbas ng presyo ng Burj Khalifa sa Dubai.

“Bakit parang world-class skyscraper ang presyo ng simpleng city hall? Hindi ba’t pera ng tao ang ginagastos dito?”

ALTERNATIBONG PLANO: HINDI LANG CITY HALL

Sa halip na P9.6B para lang sa isang gusali, inilahad ni Discaya ang plano ng kampo ni Sarah Discaya:

  • Bagong city hall (P2.7B)
  • 11-palapag na ospital
  • Pabahay, eskwelahan, tulay at kalsada
  • Lahat ito matatapos sa loob ng 3 taon, at ang buong halaga — P8.7B — ay mas mababa pa rin kaysa sa city hall project ng kasalukuyang administrasyon.

Dagdag pa niya, ang natitirang P900 milyon mula sa nirebyung budget ay ilalaan sa zero billing policy para sa mga serbisyo ng lungsod mula pa lang sa unang araw ng panunungkulan ni Sarah Discaya.

SOTTO: DEADMA SA ISYU?

Sa kabila ng sunod-sunod na panawagan, hindi pa rin nagbibigay ng direktang sagot si Mayor Vico Sotto sa akusasyong overpriced ang proyekto. Ayon sa City Public Information Office:

“All processes are being followed properly. It’s not worth engaging if it’s repetitive or senseless.”

Tinawag ni Sotto ang isyu na “repetitive” at “noise,” na umano’y bahagi lamang ng mga paingay sa eleksiyon.

Ngunit mariin ang paninindigan ni Discaya:

“Ang silence ay hindi transparency. Ang pamumuno ay hindi dapat palabas sa social media kundi tunay na malasakit na may saysay.”

Upang maiwasan ang conflict of interest, tiniyak ni Discaya na hindi sasali ang sariling kumpanya sa anumang bidding o kontrata sa ilalim ng pamahalaang Sarah Discaya, alinsunod sa Republic Act 9184.

“PASIG DESERVES BETTER”

“Pasig deserves leadership that is smart, compassionate, and truly for the people,” pagtatapos ni Discaya.