TINIYAK ng bagong Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa publiko na magiging buo ang respeto ng kapulisan sa karapatang pantao habang susunod ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na huhulihin ang sinumang tao na hindi wasto o walang suot na face mask sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus pandemic.
Ayon kay PGen Eleazar, ang kautusan ng Pangulo ay patunay na seryoso ang national government sa pagpapatupad ng minimum health safety standard protocols bilang bahagi ng hakbang na mapigilan ang pagkalat ng coronavirus na sa ngayon ay higit 1 milyon Filipino na ang nahawaan at kumitil sa buhay ng higit sa 18,000.
Ibinahagi rin niya ang kanyang karanasan bilang commander ng Joint Task Force COVID Shield, kung saan sinabi ni Eleazar na patuloy na bumaba ang infection rate sa tuwing ipinatutupad ang estriktong quarantine measures tulad ng kaso sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan gayundin sa Cebu nang i-deploy ang Special Action Force commandos at mga sundalo noong nakaraang taon dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“I understand the concerns of some people regarding the arrest of those not wearing face masks but this is a needed measure to ensure compliance of the people to observe the minimum health safety standard protocol,” wika ni PGen Eleazar.
“I believe that most of the Filipinos are doing what needs to be done to protect themselves and their family pero meron talaga tayong mga kababayan na hindi talaga mapakiusapan at patuloy na nagpapasaway. The President’s order is for these hard-headed people,” dagdag niya.
Upang matiyak na masusunod ang polisya ng human rights, ipinag-utos ni Eleazar sa lahat ng PNP personnel na mang-aaresto mga violators na huwag saktan at pahirapan ang mga ito.
“Puwede natin silang arestuhin pero hindi natin sila dapat parusahan at lalong hindi natin sila dapat saktan. Kapag ginawa ninyo ito, mananagot kayo sa akin,” aniya.
Ipinaliwag ni PGen Eleazar na ang kaparusahan ng lalabag sa minimum health safety protocols ay nakapaloob sa lokal na ordinansa tulad ng pagpataw ng multa at community service, at ito ay dapat gamitin upang madisiplina ang mga lumalabag.
“Para naman sa ating mga kababayan, mahigit isang taon na po tayong nilalabanan ang pandemya. Hindi na dapat kayo sinasabihan kung ano ang dapat gawin para protesksiyunan ninyo ang inyong sarili at pamilya at lalong hindi na dapat tayo nag-a-arestuhan pa. Muli nakikiusap ako na magsuot kayo ng face mask at sundin ang minimum health safety standard protocol dahil kung hindi, kayo naman ang mananagot sa amin,” dagdag niya.
Naghahanda na rin ang PNP ng detention areas para doon sa mga maaarestong face mask violators. (KOI HIPOLITO)
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE