
Pasay City — Inaresto ng mga awtoridad ang isang 48-anyos na lalaki matapos umanong magbitaw ng bomb joke habang nasa loob ng isang Cebu Pacific flight sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 25, 2025.
Ayon kay PBGen Christopher M. Abecia, Director ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), ang pasahero — na pansamantalang hindi muna pinangalanan — ay residente ng Dumaguete, Negros Island Region (NIR) at patungong Cebu nang maganap ang insidente.
Habang isinasagawa ang boarding procedures, sinabi umano ng pasahero na may granada sa kanyang bag habang ito ay inilalagay sa overhead bin. Agad itong ini-report ng cabin crew sa airline at airport security.
Dahil sa naturang pahayag, agad na ikinasa ang coordinated response ng AVSEGROUP, Airport Police Division (APD), Explosive Ordnance Division (EOD) na may kasamang K9 units, at iba pang emergency responders gaya ng airport fire and medical teams.
Isinailalim sa standard operating procedures ang eroplano, in-isolate ito, at isinagawa ang masusing bomb detection. Matapos ang imbestigasyon, walang natagpuang pampasabog o mapanganib na materyal at idineklarang ligtas ang eroplano para sa biyahe.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 3 (NPS3) ang suspek habang isinasagawa ang mga kaukulang legal na proseso.
Nagpaalala si PBGen Abecia sa publiko: “May bigat ang bawat salita. Ang tila simpleng biro ay maaaring magdulot ng takot, abala sa operasyon, at panganib sa buhay. Ang pagbibiro tungkol sa bomba ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, o ang Anti-Bomb Joke Law.” (ARSENIO TAN)
More Stories
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA
Indian businessman, hinoldap sa San Juan; 3 suspek, arestado
Suspek sa dalawang kaso ng rape, tiklo sa QC