November 24, 2024

PARTY DRUGS ‘DI GALING PINAS – SINAS

IGINIIT ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Debold Sinas na nagmula sa ibang bansa at hindi gawa sa Pilipinas ang mga nasasabat na party drugs sa mga operasyon.

“‘Yung mga latest accomplishments and interceptions po namin ay galing po sa labas. Galing sa US and Netherlands. As of now based on our coordination with our counterparts sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) ay wala pong manufacturing dito sa atin,” ayon kay Sinas.

“Ang lahat po na ‘yan so far ay galing sa labas, ‘yun po ang binabantayan natin at ini-intercept. Marami pong gumagamit ng party drugs ngayon kaya ‘yan po ang isa sa mga tinututukan po namin including na rin po ‘yung latest na mga high grade marijauana, ‘yung kush kasi ito ay imported,” dagdag pa niya.

Tiniyak ni Sinas sa publiko na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PNP sa PDEA kaugnay sa isyu ng ilegal na droga, kabilang ang party drugs. Saad pa niya na karagdagang K9 dogs ang idineploy sa mga paliparan upang mapigilan ang pagpasok ng narcotics sa bansa.

“Pinaigting po namin ‘yung inter-agency interdiction committee doon na ang chairman doon ay ang PDEA. Naglagay na kami ng additional K9 dogs doon to assist those deployed by PDEA in the airport so it resulted to positive interceptions,” wika ni Sinas.

Dagdag niya: “Hindi po tayo nagpabaya, marami lang siguro tayo nahuhuli sa panahon na ito.” Nitong kamakailan lang, nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit sa 500 tablet ng ecstasy na nagkakahalaga ng P1 milyon sa isang air parcel na unang idineklarang mga ‘dokumento’ ang laman ng isang maliit na pakete na mula sa Netherlands upang maitago ang party drugs na nasa loob nito.

Nakasabat din ng maraming ecstasy sa ikinasang mga operasyon sa Manila at Rizal nitong nakaraang linggo na nagresulta sa pagkakapatay sa isang drug suspect.