November 24, 2024

PARLADE, BUBUWELTAHAN SA PAGTAWAG NA STUPIDO ANG MGA SENADOR

NAGHAIN ng isang resolusyon si Senate Minority Leader Franklin Drilon para i-censure o buweltahan si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr.

Sinabi ni Drilon na masyadong walang respeto at pang-iinsulto sa Senado ang pagbansag ni Parlade na “stupid” ang mga Senador.

Ayon kay Drilon, hindi katanggap-tanggap sa mga Senador ang naging pahayag ni Parlade nang sisihin ang mga mambabatas na nagpatibay sa 19-B pesos budget ng NTF-ELCAC ngayong 2021.

“We do not deserve such disrespect calling us stupid. In my 24 years in Senate, I could not remember any member of the AFP calllign us stupid,” pahayag ni Drilon.

Nauna rito, sinabi ni Parlade na stupido ang mga Senador kung babawiin nila ang pondo ng NTF-ELCAC na nakalaan sa 822 barangays sa buong bansa.

“I’ll tell you, sila ang stupid kung ito ay binabawi nila. Pinirmahan nila ‘yung batas na ‘yan para maging serbisyo, ipagpatuloy ang programa ng gobyerno. Ngayon sasabihin nila na ide-defund nila ‘yung NTF-ELCAC,” pahayag ni Parlade.

Kabilang sa mga Senador na nagsulong na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC ay sina Senador Drilon, Sen. Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Nancy Binay, Kiko Pangilinan at Richard Gordon.