January 22, 2025

Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd

“Suportado ko at ng Department of Education ang Senate Bill 1979 ng senado, sapagkat malaki ang magagawa nito  upang mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga kabataan  hinggil sa maagang pagbubuntis,” paliwanag ni DEPED Secretary Sonny Angara sa Kapihan sa Manila Bay.

Ayon kay Angara, ang aking pakikiisa sa isinusulong na Comprehensive Sexuality Bill (SBN 1979) ng Senado ay bunsod na din ng nakakaalarmang paglaki ng bilang ng teenage pregnancy, HIV at gender based violence sa ating bansa. Kailangang maibalik sa ating mga guro ang karapatang maituro at hubugin ang ating mga kabataan na muling matutunan ang matuwid na landas ng pamumuhay, gaya ng pag-uugali, kaalaman at pamantayan sa buhay.

Idinagdag pa ni Angara na magiging instrumento ang SB1979, magkakaroon ng pagtitiwala ang mga kabataan na makipag-ugnayan sa kanilang mga guro, hinggil sa kanilang mga pinagdadaanan sa buhay maging ito man ay tungkol sa problema ng pamilya o pansarili.

Sa Kapihan sa Manila Bay forum ipinaliwanag din ni Angara na ang panukalang ito ay bunga ng pag-aaral at pananaliksik ng iba’t ibang sektor ng bansa na isinagawa sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Chairman ng Youth Committee sa senado.

“We filed a resolution aimed at adopting a whole-of-government approach to develop a comprehensive framework. This framework sweeks to prevent early childbearing and mitigate its negative consequences such as school dropouts, and ensure the welfare and future of our youth,” dagdag pa ni Angara.

Binigyang diin din ni Angara, mula noong siya ay senador pa at hanggang ngayong bilang kalihim ng DepEd, patuloy siyang makikinig at makikipagtulungan sa bawat pahayag ng mga magulang at guro na siyang pangunahing sektor na sang-ayon sa ipinag-uutos ng batas.

“Bilang kalihim ay susunod lamang po tayo sa legislative developments na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ating lahat,” saad niya.