December 25, 2024

Para sa anti-drug campaign… MARCOS HINIKAYAT PUBLIKO NA LUMAHOK SA DILG FUN RUN

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na lumahok sa fun run sa Linggo na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang tulungan i-promote ang anti-drug advocacy.

Sa kanyang Facebook post, inimbitahan ni Marcos ang lahat na sumali sa “Buhay Ingatan, Droga Ayawan (BIDA) program, isang nationwide anti-narcotics drive na may layong sawatain ang illegal na droga sa bansa.

Buo ang ating suporta sa DILG Philippines sa kanilang sigaw na Buhay Ay Ingatan, Droga’y Ayawan,” ayon sa post ni Marcos.  “Sama-sama tayo sa pakikipaglaban kontra iligal na droga, para sa#BagongPilipinas ,” dagdag ng Pangulo.

Gaganapin ang BIDA Bayanihan ng Mamamayan Fun Run and Serbisyo Caravan ngayong Linggo sa Mall of Asia Complex sa Pasay City.

Inaasahan na 10,000 partisipante ang lalahok sa fun run, na aarangkada dakong alas-3:00 ng madaling araw sa Block 16.