INILUNSAD ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ang online DotBot, isang innovation project na isinilang mula sa cooperative partnership ng Pilipinas at New Zealand sa ilalim ng GovTech Acceleration Program ng Creative HQ, New Zealand.
Ang DotBot na ipinakita sa Philippines – New Zealand Government Innovation Exchange Showcase na ginanap sa Multi-purpose Center ng ALERT Center sa Barangay Malinta, noong Setyembre 13, 2022 ay isang user-friendly chatbot sa ilalim ng Facebook Messenger application na maaaring magamit sa pag-aaplay para sa iba’t ibang social welfare services tulad ng Medical Assistance, Burial Assistance, Transportation Assistance, Social Case Study, at CSWD Certificate of Indigency bago ang personal na pagpunta sa opisina ng CSWD para sa pagsusumite.
Layunin ng Dotbot na tulungan ang CSWDO na bumuo ng isang centralized database na maglalaman ng lahat ng impormasyon ng mga kliyente na hihingi at makikinabang sa social service assistance mula sa local government.
“Isa po sa suliranin natin dito sa city hall ay ang mahabang mga pila, kaya naman po pinapakilala ko sa inyo si DotBot, ang bagong state-of-the-art project natin sa CSWD Office para maging paperless na ang CSWD Office at mabawasan ang pila dito sa munisipyo.” ani Mayor WES.
“Inaanyayahan ko po kayong gamitin ang makabagong teknolohiya para mas maging epektibo at mabilis pa ang serbisyo ng pamahaalaang lokal.” dagdag niya.
“Natutuwa ako na isa sa mga proyektong naiwan ko ay mai-lalaunch na ngayon, ang pag-automate at pag-digital ng serbisyo ng pagtulong sa ating mga mamamayan. Ang mga tanong ninyo ay hindi na kailangan pang sadyain sa city hall, maitatanong ninyo na ito online para pagpunta ninyo ng city hall ay diretso processing na ng ayuda. Ang layunin natin ay gawing mabilis at abot-kamay ang pagtulong sa mga Valenzuelano.” pahayag naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary REX Gatchalian.
Para ma-access ang DotBot, i-search ang DotBot-Valenzuela sa Facebook o Messenger application o i-scan ang QR code na naka-post sa iba’t ibang promotional materials ng Pamahalaang Lungsod. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA