November 5, 2024

Para iwas droga! Death penalty itinutulak ni Dela Rosa

ITINALAGA si Senator Bato dela Rosa, isang death penalty advocate, bilang miyembro ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na boboto sa pagbabalik ng death penalty sa bansa.

Sa kanyang privilege speech sa sesyon ng Senado, muling nabanggit ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nakaraang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan hinikayat niya ang Kongreso sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection  para sa krimen na may kinalaman sa droga.

Umapela rin si Dela Rosa sa kanyang mga kapwa senador na “sa pinakahuli,  ay dapat mai-deliberate na ang usapin  sa pagbuhay sa death penalty sa bansa.

Aniya, bilyong-bilyong droga ang patuloy na ipinupuslit sa Pilipinas, dahilan para magpatuloy ang pananalasa ng karahasang dulot ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Nabanggit din niya ang ilang mga pag-aresto sa drug trafficking sa iba’t ibang bansa, kung saan pinasalamatan niya ang “highly sensitive intelligence work” ng PNP at PDEA Philippine Drig Enforcement Agency), at sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agency.

Sinabihan din daw aniya siya ng isang prominent Chinese convicted drug lord” na nakakulong sa New Bilibid Prison na tanging pagbabalik lamang sa death penalty ang makapagpapahinto sa mga drug trafficker.

Ayon kay Dela Rosa, sinabi ng drug convict na kaya nilang pabahain ng shabu sa Pilipinas dahil wala namang parusang kamatayan na dapat nilang katakutan at maari rin nilang ipagpatuloy ang kalakaran ng droga kahit nasa loob ng kulungan.

Dahil may karapatan ang mga drug convicts na bisitahin ng kanilang pamilya, maari nilang patakbuhin ang negosyo ng droga sa pamamagitan ng kanilang asawa o anak,  na puwede nilang makausap ng regular o face to face.  Kaya kahit patayin ang signal at kumpiskahin ang mga cellphone ay hindi sila mapipigilan, ayon pa Senador.

“Sir, kung gusto ’nyo talagang matakot kami na mag-traffic ng drugs sa Pilipinas, ibalik ’nyo ang death penalty,” sambit ng drug convicts kay Dela Rosa.

Kadalasan, ang mga Chinese trafficker ay nagpupuslit ng droga mula China patungo sa Pilipinas at iniiwan para ibenta at ikalat sa Bilibid convicts. Tuwing may malaking droga na nasasabat sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, ay nasusubaybayan ito sa loob ng Bilibid.

Sa datos din aniya ng PNP ay bumaba ang krimen noong 1993 hanggang 2005, taon na epektibo pa ang death penalty, at tumaas lamang noong 2016 nang suspendihin ang batas.

Kaya nararapat lamang daw na ibalik na ang parusang kamatayan.