November 17, 2024

PANUKALANG TAX HIKE  SA JUNK FOOD, SUGARY DRINKS SUPORTADO NG DOH

Suportado ni Deparment of Health Secretary Ted Herbosa ang panukalang magdadagdag ng tax sa mga junk food o sitserya at mga sugary drinks, tulad ng soft drinks, kung saan malaking tulong aniya ito sa kalusugan ng lahat at ekonomiya.

Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, ipinaliwanag ni Herbosa na ang panukala ay magreresulta sa less consumption ng unhealthy foods.

“Yung epekto ‘neto sa health, nagkakaroon ng diabetes, kidney disease, among others. On the health perspective, maganda magkaroon ng tinatawag na excise taxes on those particular products na hindi beneficial sa ating health,”  saad ni Herbosa.

Binigyang diin din niya na ang kita mula sa excise tax ay magagamit para pondohan ang mga programa at proyekto ng gobyerno.

“Kung ako tatanungin, sang ayon ako riyan kasi may malalakap nanaman na pondo ang ating pamahalaan para malagay sa tinatawag nating social services,” wika pa niya.


“Ang napag-usapan namin sa gabinete, meron kaming proyekto para sa hunger at malnutrition, at mukhang diyan kukukunin ng Department of Finance yang gagamiting pondo sa iba’t-ibang programa,” dagdag pa ng Kalihim.

Inihalimbawa rin ng DOH Secretary ang excise tax sa alak at sigarilyo, na nagbunga ng posibong resulta.

“Nung undersecretary ako, tumulong ako sa pagbalangkas at pagpasa ng sin tax or excise tax on tobacco and alcohol. Dahil dun sa batas na yun, dumami ang tax collection para magamit sa Universal Health Care,” paliwanag ni Herbosa.


“Dahil dun kumonti din ang naninigarilyo, from 29% to now I think 18%… Ganun din (ang inaasahan sa) problema sa sugar drinks,” ayon sa Health Secretary. 

Bagama’t aminado si Herbosa, na mayroong ilang bagay na dapat ikonsidera sa planong tax hike sa matatamis na inumin at junk foods.

“Ang usapan diyan, may debate din sapagkat parang naaalisan ng source yung ating mga kababayan na dun kinukuha yung kanilang energy, sa sugar drink. Pero yun mga junk food at salty food, siyempre dun naman magle-lead sa hypertension, kidney disease, so maganda mag hinay-hinay ang mga kababayan natin diyan,” saad niya.

Nabanggit din ng DOH chief ang posibleng epekto sa mga pribadong kompanya, partikular ang soft drink industry.

“Ang debate diyan, pag humina yung hanapbuhay ng soft drinks, mawawalan ng empleyo yang mga nagtatrabaho sa industriya. Kaya hinahanap dapat yan ng mga kapalit na produkto na mas healthy gaya ng mga juices for example or some other product na ma-rereplace ‘yung production,” saad niya.

Una nang nagbigay ng detalye si Department of Finance Secretary Ben Diokno sa panukalang tax measures.

“Under the proposed tax program, the DOF plans to impose a P10 per 100 grams or P10 per 100 milliliters tax on pre-packaged foods lacking nutritional value, including confectioneries, snacks, desserts, and frozen confectioneries, that exceed the DOH’s specified thresholds for fat, salt, and sugar content,” saad ni Diokno.