June 30, 2024

PANUKALANG LIBRENG PRIVATE COLLEGE ENTRANCE EXAM, ‘BULACAN ECOZONE GANAP NANG BATAS

LIBRE na ang private college entrance examination para sa mahihirap pero matatalinong estudyante matapos maging ganap na batas ang Republic Act 12006 o ang Free College Entrance noong Hunyo 14.

“Republic Act (RA) 12006, or the Free College Entrance Examinations Act, emphasizes the need to assist disadvantaged students who show potential for academic excellence,” saad ng Presidential Communications Office (PCO).

Sakop ng bagong batas ang mga graduating student na kukuha ng college entrance examinations sa mga pribadong institusyon o kolehiyo.

May limang kondisyon ang batas para maging libre ang college entrance exams; una, ang graduating student ay dapat natural-born Filipino citizen; ikalawa, ang estudyante ay dapat nasa top 10 ng graduating class; ikatlo, dapat kabilang ang pamilya ng estudyante sa pinakamahihirap na antas batay sa itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Ika-apat na kondisyon, ang mga kuwalipikadong estudyante ay kailangang mag-apply ng college entrance exams sa alinmang pribadong kolehiyo sa bansa at ika-lima ay kailangang makatugon sa requirements ng mga pribadong paaralan.

Inaatasan ng batas ang Commission on Higher Education (CHED) na magpataw ng sanctions laban sa mga pribadong kolehiyo na hindi susunod sa batas.

Ang Department of Education ang inatasang magbalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng isang 60 araw at tutulong ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines.

Samantala, ganap na ring batas ang Republic Act 11999 o ang Bulacan Special Economic Zone and Freeport Act matapos itong mapaso o nag-lapse para maging batas noong June 13.

Sa ilalim ng bagong batas, ang Bulacan Special Economic Zone and Freeport ay tatawaging ‘Bulacan Ecozone’ o BuZ at saklaw nito ang airport project at at airport city project habang ang Bulacan Special Economic Zone and Freeport Authority o BEZA ang mangangasiwa sa BuZ.

Sa ginawang konsultasyon sa National Economic and Development Authority, ang BEZA ang magtatatag ng general framework para sa paggamit ng lupa, pagpaplano at pagpapaunlad sa lugar na masasakop ng BuZ alinsunod sa Philippine Development Plan ng gobyerno.

Itatatag ang BEZA sa loob ng 180 araw matapos maging epektibo ang batas sa loob ng 15 araw sa sandaling maisapubliko ito sa Official Gazette o sa pahayagan na may general circulation.

Nakapaloob sa bagong batas ang iba pang probisyon gaya ng insentibo sa ecozone enterprises at investors, national government at iba pang entities at iba pa.