Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na magtatatag ng komprehensibong regulasyon ng enerhiyang nukleyar upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng potensyal na paggamit nito sa bansa.
Ang inihaing Senate Bill 2506 ni Gatchalian ay naglalayong magtatag ng isang pambansang panuntunan para sa ligtas at maayos na paggamit ng nuclear energy.
“Kung maisasabatas, ito ay makakatulong na matiyak ang kaligtasan sa potensyal na paggamit ng nuclear energy sa bansa,” sabi ni Gatchalian. Ang paghahain ng panukala ay kasunod ng paglagda ng Pilipinas at Estados Unidos ng isang kasunduan sa nuclear energy sa nagdaang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC).
Ipinaliwanag ng senador na ang kanyang panukala ay magtatatag ng isang independyente at transparent na central nuclear regulatory body sa pamamagitan ng paglikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Commission (PAERC). Ang PAERC ay magkakaroon ng eksklusibong awtoridad sa regulasyon ng lahat ng aspeto ng paglilisensya, proteksyon, kaligtasan, at mga pananggalang ng mga kaugnay na aktibidad, pasilidad, at materyales.
“Ang pangunahing pagsasaalang-alang sa pagbabalangkas ng panukalang batas na ito ay ang pagtiyak na mayroong isang ligal na panuntunan upang matugunan ang mga requirement upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kalidad ng mga tao, ari-arian, at kabuuang environment,” pagbibigay diin niya. Kung maisasabatas ang panukala, aniya, titiyakin nito na lahat ng aktibidad ay nakapaloob sa sistema ng awtorisasyon, patuloy na monitoring, at pagpapatupad.
“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang komprehensibo at ligal na panuntunan sa Pilipinas na may matatag na transparency at governance provisions, matitiyak natin na ang mga potensyal na panganib na may kinalaman sa paggamit ng nuclear energy ay matutugunan. Kasunod nito, magiging buo rin ang tiwala ng taongbayan,” sabi ni Gatchalian, lalo na’t ang paggamit ng nuclear energy sa bansa ay isang bagay na hindi pamilyar sa mga Pilipino.
“Mahalaga na magkaroon tayo ng naaayong batas na mamamahala sa paggamit ng nuclear energy sa bansa. Hindi magiging madali na umpisahan ang paggamit ng teknolohiya na ito kaya dapat na masiguro na ligtas ang bawat hakbang na gagawin natin,” dagdag ni Gatchalian.
Ang gobyerno ay dating nagpatibay ng isang pambansang posisyon at opisyal na muling inilunsad ang inisyatiba nito upang isama ang nuclear power sa energy mix ng bansa. Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap na matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya at paglipat sa mas malinis na energy sources.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA