April 26, 2025

Panukalang amyenda sa BCDA Charter ibinasura ni PBBM

MANILA – Ibinasura ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang charter ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ayon sa anunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado.

Batay sa pahayag ng PCO, tinutulan ni Marcos ang mga mungkahing pagbabago dahil sa posibleng pagsalungat nito sa umiiral na mga batas at sa negatibong epekto nito sa kalagayang piskal ng pamahalaan.

“Bagama’t kinikilala ni Pangulong Marcos ang mabuting layunin ng Kongreso sa pagbuo ng panukalang batas, hindi niya maaaring balewalain ang mga isyung ipinunto ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno,” ayon sa PCO.

Sa kanyang veto message na may petsang Abril 24 at ipinadala sa Kongreso, binanggit ni Marcos ang ilang probisyon ng panukala, kabilang na ang pagtaas ng authorized capital ng BCDA ng PHP100 bilyon na umano’y makaaapekto sa integridad ng piskal na kalagayan ng gobyerno.

Tinuligsa rin ng Pangulo ang probisyon na nagtatakda na ang kita mula sa pagbebenta ng mga lupa sa loob ng ecozones ay direktang mapupunta sa BCDA, aniya’y salungat ito sa “one-fund policy” ng gobyerno na naglalayong bigyan ng kalayaan ang pamahalaan sa paggamit ng pondo para sa mas mahahalagang pangangailangan.

Dagdag pa ni Marcos, ang pagbibigay ng kapangyarihan sa BCDA na magpasya kung aling lupa ang maituturing na alienable at disposable ay sumasalungat sa mandato ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Binanggit din ng Pangulo na ang pagbibigay ng pagmamay-ari ng lupa at kapangyarihan sa BCDA sa pamamahagi nito ay taliwas sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Republic v. Heirs of Bernabe, na nagsasabing ang estado pa rin ang tunay na may-ari ng mga lupang nailipat sa BCDA sa ilalim ng Republic Act 7227 o Bases Conversion and Development Act of 1992.

Sa kabila nito, kinilala ng Malacañang ang malaking ambag ng BCDA sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa, partikular sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga economic hubs tulad ng Bonifacio Global City at Newport City, at mga proyektong pampubliko tulad ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).

Patuloy rin ang pagsusumikap ng BCDA na gawing pangunahing sentro ng pamumuhunan sa Asya ang Clark, sa pamamagitan ng mga high-impact projects gaya ng New Clark City at pagpapalawak ng Clark International Airport.