NAALARMA si Vice President Sara Duterte sa aniya’y organisadong “black propaganda” na inilunsad laban sa kanya at sa ahensiya ng gobyerno na kanyang pinamunuan.
Kaya naman nanawagan siya sa publiko na manatiling mapagbantay sa political interest ng mga naninira sa kanya.
“Nagiging mas matindi, mapangahas, at desperado na ang mga paninira sa akin ngayon,” ani VP Sara. “Bahagi ang mga ito ng isang organisadong demolition job na ang layunin ay sirain ang aking integridad at gumawa ng imahe na ako ay isang mamamatay-tao, na corrupt, abusado, taksil at isang war lord.”
Isa-isa ring tinukoy ni VP Sara ang mga naturang personal na pag-atake, “Makikita natin ito sa pag-atake sa confidential funds, pagpapalaganap ng video sa Commonwealth traffic, paggawa ng issue sa pagtatag ng security para sa opisina ng Bise Presidente, paglabas ng testigo na umano’y ako ay kaparte ng Davao Death Squad, sa malisyosong ulat tungkol sa aking mga baril, at ang pambabastos sa relasyon namin ng aking asawa.”
Dagdag pa niya, kamakailan lamang ay nagsusulputan din ang mga online scam sa pera sa social media katulad ng scholarship o pabaon program para sa mga mag-aaral, na pinabulaanan naman na ng Department of Education (DepEd).
Giit niya, ang lahat ng ito ay ginagawa upang mawalan ng kumpiyansa sa kanya ang publiko, bilang isang public servant.
Kaugnay nito, pinasalamatan rin naman niya ang kanyang mga supporters dahil sa patuloy na tiwala at pananalangin para sa kanya.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA