January 23, 2025

Pangunahing suspek sa pagpatay sa online seller, nasakote

BAMAGSAK na sa kamay ng mga awtoridad ang pangunahing suspect sa pagpatay sa isang online seller nung Lunes ng gabi matapos masakote sa follow-up operation sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao ang suspek na si Fernand Rafael, na may mga alyas na “Kevin Rafael” at “Balat” 26, helper sa Malabon Fish Port na naaresto ng pinagsanib na Sub-Station 5 at Special Reaction Unit (SRU) ng Malabon police alas-12 kamakalawa ng tanghali sa kanyang bahay sa 19 Gen. P. Boromeo St. Brgy. Longos.

Ani Col. Tamayao, na-established ng mga imbestigador ang motibo ng suspek sa pagpatay kay Jerico Camino, 31, matapos niyang pagbabarilin kasama ang isang hindi pa kilalang kasabwat sa harap mismo ng kapatid ng biktima sa kanto ng Maya-Maya at Pampano Sts., Brgy. Longos nung Lunes alas-8:13 ng gabi habang naghihintay ng customer ng kanyang online delivery.

Napag-alaman ng pulisya na si Rafael ay nakulong kamakailan matapos maaresto at kinasuhan ng biktima ng robbery subalit, nakalabas ito matapos makapagpiyansa.

Sinubukan ni Rafael na makipag-ariglo subalit tumanggi ang biktima at sa halip ay itinuloy nito ang kaso laban sa kanya na naging dahilan upang patayin ng suspek si Camino.

Nadiskubre din ng pulisya na si Rafael ay may standing warrant of arrest na inisyu ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Carlos M. Flores ng Branch 73 sa paglabag sa Section 10 ng R.A. 7610 o ang Special Protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya para sa posibleng pagkakaaresto sa kasabwat ni Rafael na nagsilbi umanong lookout sa pamamaril sa biktima.