April 27, 2025

Pangulong Marcos nakiramay sa mga biktima… 9 PATAY SA VANCOUVER ‘LAPU LAPU’ STREET FESTIVAL

MANILA — Nagpahayag ng malalim na kalungkutan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang insidente sa Lapu-Lapu Day Block Party sa Vancouver, Canada na nag-iwan ng siyam na patay at ilang sugatan nang isang sasakyan ang dumaan sa malaking grupo ng mga dumalo sa kaganapan.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pangulo na siya at ang kanyang asawa, si Liza, ay nakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at sa Filipino community sa Vancouver. “Kami po ay lubos na nagdadalamhati sa trahedyang ito, at kami ay nakikiramay sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima,” ani Marcos.

Tiniyak din niya na ang Philippine Consulate General sa Vancouver ay nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Canada upang tiyakin ang tamang imbestigasyon at magbigay ng suporta sa mga apektadong pamilya. “Ang konsulado ay nagbigay ng hotline para sa mga Filipino na apektado, at patuloy din ang koordinasyon sa mga awtoridad upang masiguro ang nararapat na tulong,” dagdag ng Pangulo.

Arestado na ang 30-anyos na driver ng sasakyan na tumama sa crowd. Ayon sa Vancouver Police, hindi nila itinuturing na isang aktong terorismo ang insidente, ngunit patuloy ang imbestigasyon ng Vancouver Police Department’s Major Crime Section.

Inimbitahan ng mga awtoridad ang mga saksi at mga may impormasyon hinggil sa insidente na makipag-ugnayan sa kanila upang makatulong sa imbestigasyon. Ayon sa Filipino BC, ang organizer ng Lapu-Lapu Day event, may mga ulat ng “racist verbal attacks” bago pa man magsimula ang festival, ngunit wala pang koneksyon sa kasalukuyang insidente ang mga ito.

Ang Philippine Consulate General sa Vancouver ay naglabas ng mga hotline numbers para sa mga Filipino nationals na naapektuhan:

  • Assistance-to-Nationals Hotline: +1 604 653 5858
  • Migrant Workers’ Office Hotline: +1 604 767 3354
  • Vancouver Police Department Victim Support: +1 800 563 0808

Patuloy ang imbestigasyon, at umaasa ang mga awtoridad at ang Filipino community sa Vancouver na makakamtan ang hustisya para sa mga biktima ng insidenteng ito.