November 24, 2024

PANGHO-HOSTAGE NG TRANSPAC SA LEARNING MATERIALS ‘PINATID’ NG DEPED

Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na itutuloy na nila ang pamamahagi ng mga learning materials sa mga estudyante ngayong buwan.

Ito’y matapos maghain ng resolusyon ang mga miyembro ng Makabayan bloc upang imbestigahan ang bilyong halaga ng mga learning materials na “hinostage” umano ng Transpac Cargo Logistics (Transpac).

Sa official statement, sinabi ng DepEd na ang kanilang Regional at Division offices ay agad sinimulan ang paghahakot sa mga learning materials matapos makatanggap ng liham mula sa Transpac na pinapayagan ang ahensiya na kuhanin ang nasabing mga learning materials sa kanilang mga warehouse sa unang linggo ng Disyembre 2023.

“DepEd remains committed to safeguarding the public interest, so that our learners and stakeholders will not be shortchanged of the education services they deserve,” ayon sa DepEd.

“We appeal to the public to remain vigilant against the spread of false and misleading information,” saad pa nito.

Nabili ng DepEd ang serbisyo ng Transpac Logistics noong 2021 na epektibo mula Oktubre 8, 2021 hanggang Hunyo 30, 2022.

Gayunpaman, nabigo ang Transpac na i-deliver ang mga learning materials nang kumpleto at wala sa oras.

“Thus, in the exercise of diligence, and in the interest of recovering the goods by all means necessary, DepEd was constrained to resort to legal remedies,” ayon sa stament.

Noong Agosto 30, 2023, dahil sa kakulangan ng kongkretong resolusyon sa naturang isyu, ibinasura ng DepEd ang kontrata nito sa Transpac, alinsunod sa Republic Act 9184 o Procurement Law.

Nagsagawa rin ang DepEd ng legal proceedings noong Nobyembre 22, 2023 sa korte upang marekober ang mga learning materials na nasa pangangalaga pa ng Transpac.

Ihinain ang House Resolution No. 1516 noong Miyerkoles nina Deputy Minority Leader at ACT Party-list Rep. France Castro, Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, para himukin ang Committees on Public Accounts and Basic Education na uimbestigahan ang pangyayari.