KINONDENA ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pinakabagong panghaharas ng China sa West Philippine Sea kung saan binangga ng Chinese vessels ang isang Philippine Coast Guard (PCG) at isang resupply boat na kinontrata ng Armed Forces of the Philippines para sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
“Nakikiisa tayo sa sambayanang Pilipino sa mariing pagkundena sa pinakabagong insidente ng panggigipit mula sa China Coast Guard at sa mga Chinese maritime militia na naglagay sa peligro sa ating mga magigiting na kababayan na nagre-resupply sana sa ating mga sundalo sa Ayungin Shoal,” ayon kay Zubiri.
”Saludo ako sa ating mga tagapagtanggol mula sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang pagpapamalas ng katapangan at pagtitimpi sa kanilang resupply mission sa kabila ng marahas na aksyon ng China Coast Guard at ng kanilang maritime militia,” dagdag niya.
Nanawagan din si Zubiri sa China na igalang ang buhay ng tao at sundin ang United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang international laws na namamahala sa ligtas na paglalakbay sa karagatan.
“I also call on China Coast Guard to respect human lives and abide by the United Nations Convention on the Law of the Sea and other international laws governing safe maritime travel.”
“Our freedom of navigation in our own exclusive economic zone within our own continental shelf should be recognized and upheld.”
Tiniyak naman ni Zubiri ang buong suporta niya at ng buong Senado para sa dagdag na pondo ng PCG at AFP para pag-iingat ng exclusive economic zones ng bansa mula sa iligal na pananakop ng mga dayuhan.
“Muli kong sasabihin: buo ang aking suporta sa pagsisikap ng aking mga kasamahan sa Senado na madagdagan ang pondo ng PCG at AFP para mapataas ang antas ng kanilang kakayahan na protektahan ang ating exclusive economic zone mula sa paglapastangan ng mga dayuhan,” ayon kay Zubiri.
“Bilang pinuno ng Senado, sisiguruhin kong ang ating kasundaluhan at tagapagtaguyod ng ating soberenya ay makakatanggap ng sapat na pondo sa ilalim ng 2024 national budget para sa kinakailangang upgrade ng kanilang mga equipment,” dagdag ng senador.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA