November 5, 2024

PANGALAN NI SEN. GO KINALADKAD SA MODUS


ARESTADO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nagpakilalang konektado sa opisina ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go para mangikil ng pera sa kanyang mga biktima.

Iniharap ni NBI Deputy Director Ferdinand M. Lavin ngayong Huwebes ang suspek na si John Carlos Pedragosa Garcia.

Nagawang matunton ng mga ahente ng NBI’s Special Operation Group (NBI-SOG) ang kinaroonan ni Garcia sa isang resort sa Bolinao, Pangasinan at inaresto bitbit ang warrant na inilabas ng Mandaluyong City regional trial court (RTC) na may kinakaharap na kaso ng 2 counts ng estafa.

Ayon kay Lavin, napag-alaman ng NBI na tatlong katao na ang nabibiktima ng suspek.

Lumalabas sa ulat ng NBI na isang babaeng biktima ang nagsabi sa mga imbestigador na inalok daw sa kanya ng suspek ang project para sa pagpapatayo ng pasilidad na gagamitin sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Corporation.

Agad naman daw tinanggap ng biktima ang proyekto at nakipagkita sa suspek at sinabi nitong kaibigan niya ang secretary ni Senator Go na si Geraldyne Riano (Riano).

Humingi raw si Garcia ng P1 milyon bilang advance payment na gagamitin sa kanilang proyekto sa Albay at Malunay, Quezon.

“The victim went to the office of Senator Go and was surprised to learn that Riano and Garcia are not employees of the senator,” ayon sa NBI.

Habang ang dalawa pang mga biktima ni Garcia ay natangayan ng P50,000 at P250,000, ayon sa report.