NGAYONG 04 Nobyembre 2024 Lunes ay gugunitain ang ika-128 Taong Anibersaryo ng Kaarawan ni Carlos Polestico Garcia (1896-1971) o mas kilala sa kanyang inisyals na CPG. Siya ay isang Pilipinong guro, makata, mananalumpati, manananggol, pampublikong kawani, ekonomista, guerilla, at naging pinuno ng isang militar na naging ikawalong Pangulo ng Republika ng Pilipinas (1957-61).
Pangungunahan ng Provincial Government of Bohol ang nasabing pagdiriwang kung saan nagmula ang dating pangulo. Ang pagdiriwang ay isasagawa sa Bohol Cultural Center (BCC) sa bisa ng Batas Republika Blg. 7448 na nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1992 na nagtatakda ng special non-working holiday sa lalawigan tuwing 04 Nobyembre.
Ngayong taon ang tema ng pagdiriwang ay “Pagpapalungtad sa handumanan sa kinadak-ang garbo ning atong lalawigan.”
Ang programa ay sisimulan sa pamamagitan ng pag-alis ng tabing ng Pres. CPG Circumferential Road Marker at pagbubukas ng Pres. CPG Gallery sa National Museum of the Philippines-Bohol. Ang nasabing mga gawain ay bilang pagkilala sa iniwang mga pamana at kontribusyon sa bansa ng dating pangulo.
Magkakaroon ng natatanging programa sa BCC sa pangunguna ng CPG Scholars kabilang ang “Balak Alang Kang CPG” at “Kuracha Boholana”. Ang pagtatanghal ay upang maipakita ang yamang pamana ng Bohol kaalinsabay ng pagkilala sa mga magagandang pag-uugaling ikinintal ni CPG.
Pinakatampok sa bahagi ng programa ay ang pagbibigay ng parangal sa mga indibidwal at organisasyon na may natatanging ambag sa larangan ng palakasan, kultura at sining, edukasyon, at serbisyong pampubliko. Ang parangal ay pangungunahan ng lokal na panlalawigang pamahalaan at ilang ahensya ng pamahalaan.
Narito ang Sampung (10) Mahahalagang Impormasyon at Kaalaman tungkol kay CPG:
01. Pinagmulan. Isinilang si Carlos Polestico Garcia noong 04 Nobyembre 1896 Miyerkoles sa Talibo, Bohol, kina Policronio Babila Garcia (1867-1947) at Ambrosia Polestico na kapwa nagmula sa Bangued, Abra. Ang kanyang pagkasilang ay naganap limampu’t anim (56) na araw bago bitayin sa Bagumbayan si Dr. Jose Rizal (1861-96). Ang kanyang ama ay nagsilbi bilang municipal mayor ng kanilang bayan ng apat na termino (1912-16 at 1925-34).
02. Edukasyon. Si CPG ay nakapag-aral ng kanyang primarya sa bayan ng Talibon, at sekondarya sa Cebu Provincial High School (1902-45), ngayon ay Abellana National High School (simula 1945), na parehong siya ang nanguna sa kanilang klase. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo sa Siliman University sa Dumaguete, Negros Oriental, at nag-aral sa Philippine Law School, ang noo’y College of Law ng National University (NU, itinatag 1900) na kanyang natapos at nakamit ang degree sa law, 1923. Makalipas ang mahigit sa tatlong dekada ay pinagkalooban si CPG ng Doctor of Humanities, Honoris Causa ng NU, 1961. Tumanggap din siya ng honorary doctorate degree mula sa University of Tokyo (itinatag 1877) sa Japan sa kanyang pagbisita bilang pangulo, 1958.
03. Pagiging Guro. Naranasan ni CPG na maging guro sa loob ng dalawang taon sa Bohol Provincial High School, ngayon ay Dr. Cecilio Putong National High School sa Tagbilaran City, Bohol. Siya ay naging popular sa pagsulat ng mga tula sa Bohol kung kaya’t siya ay binansagan bilang ‘Prinsipe ng mga Makatang Bisaya’ at ‘Kompositor mula sa Bohol’.
04. Pagiging Politiko. Unang nanilbihan si CPG bilang Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Bohol sa House of Representatives, 1925-31; at nahalal bilang Gobernador ng Bohol, 1933-41. Siya ay nahalal bilang Senador subalit hindi nagawang makatupad sa tungkulin dahil sa pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-45). Nagampanan ang tungkulin bilang senador sa muling pagbubukas ng kongreso matapos ang digmaan at naging Senate Majority Floor Leader, 1945-53. Kinikilala siya ng press bilang isa sa pinakamahusay na senador sa mga unang taon ng 1950s. Siya ay pinili ni Ramon D. Magsaysay (1907-57) bilang katambal sa 1953 Presidential Election na kapwa sila ay nagwagi. Itinalaga siya bilang Secretary of Foreign Affairs ni Pangulong Magsaysay, kaalinsabay ng pagiging Pangalawang Pangulo. Si CPG ay naging Tagapangulo ng Southeast Asian Security Conference mula sa walong bansa na ginanap sa Maynila, Setyembre 1954. Ang nasabing kumprensiya ang naging daan sa pagtatatag ng Southeast Asia Treaty Organization (SEATO, simula 1955). Matapos ang kanyang panunungkulan bilang pangulo ay muli siyang bumalik sa politika ng maganap ang ikalawang Constitutional Convention at gawin siyang Pangulo ng Kombensyon ni Pangulong Ferdinad E. Marcos Sr. (1917-89) noong 01 Hunyo 1971 Martes. Subalit makalipas lamang ang ilang araw siya ay binawian ng buhay.
05. Pagiging Pangulo. Sa panahon ng biglaang pagkamatay ni Pangulong Magsaysay dahil sa airplane crash noong 17 Marso 1957 Linggo, si CPG ay nasa kumperensya ng SEATO na noo’y ginaganap sa Canberra, Australia. Matapos mabatid ang trahedya ay kaagad na bumalik sa Pilipinas direkta sa Palasyo ng Malakanyang. Nanumpa siya bilang ikawalong Pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 18 Marso 1957 Lunes 05:57 ng gabi na pinangasiwaan ni Chief Justice Ricardo M. Paras Jr. (1891-1984) ng Korte Suprema. Ang kanyang unang kautusan ay ang pagdedeklara ng pambansang pagluluksa at pangunguna sa seremonya ng paglilibing sa dating pangulo. Sa parehong taon siya ay tumakbo mula sa Nacionalista Paty at nagwagi sa 1957 Presidential Election, 12 Nobyembre 1957 Martes. Nakalaban ni CPG sina Jose Yulo (1894-1976) ng Liberal Party (itinatag 1946), Manuel P. Manahan (1916-94) ng Progressive Party (itinatag 1957 at nagtapos 1969), Claro M. Recto Jr. (1890-1960) ng Nationalist Citizen’s Party (itinatag 1957 at nagtapos 1972), Antonio Quirino (1906-92) ng Liberal Party (Quirino wing), Valentin de los Santos ng Lapiang Malaya (itinatag 1940s at nagtapos 1967), at Alfredo Abcede ng Federal Party (itinatag 1953 at nagtapos 1961). Ang running mate ni CPG na si House Speaker Jose B. Laurel Jr. (1912-98) ay natalo sa Kinatawan ng Unang Distrito ng Pampanga na si Diosdado P. Macapagal (1910-97) ng Liberal Party. Ang nasabing halalan ay ang unang pagkakataon na ang nagwaging pangulo at pangalawang pangulo ay nagmula mula sa magkaibang partido politikal.
06. Pagbisita sa Pilipinas ng Pangulo mula E.U. Sa panahon ni Pangulong Garcia dumating sa Pilipinas sa unang pagkakataon ang nakaupong Pangulo ng Estados Unidos na si Dwight D. Eisenhower (1890-1969) para sa state visit, 14-16 Hunyo 1960. Naging sentro ng pagkikita ng dalawang pangulo ang pagpapatibay ng relasyon ng dalawang bansa.
07. ‘Filipino First Policy.’ Ipinatupad ng administrasyong Garcia ang ‘Filipino First Policy’ na may layuning mabigyan ng pagpapahalaga ang mga negosyanteng Pilipino na sila ang unahin kumpara sa negosyo ng mga dayuhan. Gayundin ang pagtangkilik sa mga gawang produktong lokal sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng polisiyang ito ay mas napapabilis ang pag-unlad at pagyabong ng pamumuhay ng mga mamamayan sa bansa sapagkat mas marami ang nagtatangkilik ng mga produkto at negosyo sa Pilipinas. Ipinatupad din niya ang ‘Austerity Program’ (AP) na nakatuon sa kalakalan at komersyo ng mga Pilipino. Layunin ng AP na mamuhay ng simple at matipid, at paghikayat sa lahat ng kawani ng pamahalaan na maging matalino at matapat sa paggamit ng pondo ng bayan. Ipinanukala din ng pangulo ang ‘Bohlen-Serrano Agreement’ na nagpapaigsi upang manatili ang base-militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.
08. Sentenyal ng Kapanganakan ng Pambansang Bayaning si Jose Rizal. Sa panahon ni Pangulong Garcia naganap ang sentenaryo ng kapanganakan ng pambansang bayaning si Jose Rizal noong 19 Hunyo 1961 Lunes. Ang pagdiriwang ay sa pangunguna ng Jose Rizal National Centennial Commission (JRNCC) sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 52 na nilagdaan ni Pangulong Magsaysay noong 10 Agosto 1954 Martes. Noong 1960 ay nilagdaan ng pangulo ang Proklamasyon Blg. 715 na nagdedeklara sa taong 1961 bilang taon ni Jose Rizal kaalinsabay ng ikalimang taon ng pagpapatibay ng Batas Republika Blg. 1425 o Batas Rizal.
09. Hilig sa Ahedres. Ngayong 2024 ay ipinagdiriwang ang sentenaryo ng pagkakatatag ng International Chess Federation o World Chess Federation. Kilala rin sa French acronym na FIDE (Fédération Internationale des Échecs). Sa mga naging pangulo ng bansa, kilala si CPG na likas na mahilig sa larong ahedres o chess. Inilarawan ng The New York Times sa isyu noong 15 Hunyo 1971 ang pangulo sa pahayag na ito: “He was an excellent chess player, a reader of philosophy and history, and a poet.”
10. Himlayan sa Libingan ng mga Bayani. Si CPG ay namatay sa atake sa puso noong 14 Hunyo 1971 sa edad na 74 sa kanyang tahanan sa Bohol Avenue, ngayon ay Sergeant Esguerra Avenue, Lungsod Quezon. Siya ang kauna-unahang mamamayan na ibinurol sa Manila Cathedral (itinatag 1571) na madalas ang pribilehiyo ay nakalaan sa mga naging Arsobispo ng Maynila. Siya rin ang unang pangulo na inilibing sa Libingan ng mga Bayani (itinatag 1947).
Pagbati sa buong pamunuan ng Provincial Government of Bohol!
Maligayang Kaarawan Pangulong CPG!
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA