May 28, 2025

Panawagan ni Ordanes: Universal Social Pension Bill, ipasa na sa Senado

Nanawagan si Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo Ordanes sa Senado nitong Linggo na agarang aksyunan ang matagal nang nakabinbing Universal Social Pension Bill, na aniya’y isang “makabuluhan at posibleng maipatupad na pamana” para sa mga nakatatandang Pilipino.

Ayon kay Ordanes, na chairman ng House Committee on Senior Citizens, may natitira pa namang mga session days upang maisulong ang panukala. “House Bill 10423, na layong amyendahan ang Republic Act 7432 upang mabigyan ng buwanang pensyon ang lahat ng senior citizens, ay naaprubahan na ng Kamara noong Mayo 21, 2024, at agad na ipinasa sa Senado kinabukasan. Mahigit isang taon na itong nakatengga sa Senado,” aniya.

Kaya naman personal siyang nanawagan kay Senate President Francis Escudero na dalhin na sa plenaryo ang panukala bago tuluyang matapos ang 19th Congress.

Sa ilalim ng House Bill 10423, makatatanggap ng buwanang pensyon ang mga senior citizen:

P1,000 para sa mga indigent seniors

P500 para sa non-indigent seniors, na tataas sa P1,000 matapos ang limang taon

Iginiit ni Ordanes na hindi lang simpleng ayuda ang layunin ng panukala, kundi isa itong “fiscally responsible” o maka-ekonomiyang hakbang na isasagawa sa yugto-yugtong paraan upang masiguro ang pagiging sustainable nito.

“Layunin nating itaas ang dignidad at kalidad ng buhay ng mga nakatatanda, lalo na ng mga nananatiling bulnerable sa kahirapan at kapabayaan,” dagdag pa niya.

May katumbas na panukala sa Senado – ang Senate Bill 2929 o Universal Social Pension Act na inihain ni Senador Jinggoy Estrada noong Enero 22, 2025.

Ayon sa paliwanag ni Estrada, ang panukala ay nakabatay sa 1987 Konstitusyon na nagbibigay-diin sa papel ng estado na suportahan ang mga nakatatanda sa pamamagitan ng mga programang panseguridad panlipunan.

“Bagamat pangunahing tungkulin ng pamilya ang pag-aaruga sa matatanda, responsibilidad din ng pamahalaan na tiyakin ang kanilang kaligtasan, kalusugan, at kabuhayan,” paliwanag ni Estrada.

Tinukoy rin ng panukala ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at gamot sa kabuhayan ng mga senior citizen. “Ang universal social pension ay isang hakbang upang bigyan sila ng kaunting ginhawa at pagkilala sa kanilang ambag sa lipunan,” aniya.

Sa huli, binigyang-diin ni Ordanes ang pangangailangang isulong pa ang iba pang batas para sa kapakanan ng mga nakatatanda, kabilang na ang laban sa elder abuse, financial fraud, at ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga ahensyang may tungkulin sa kanilang kapakanan tulad ng PhilHealth, DSWD, National Commission of Senior Citizens, at iba pa.

“Hindi dapat ito ang huli. Marami pa tayong kailangang gawin para sa mga senior citizen. Dapat, sa pagtanda nila, dama nila ang pag-aaruga at pagkalinga ng estado,” pagtatapos ni Ordanes.