June 20, 2025

Panalangin para sa mga Pinoy na apektado ng bakbakan sa Middle East ipinanawagan ni VP Sara

Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa sambayanang Pilipino na magkaisa sa panalangin para sa kaligtasan ng mga kababayan nating naapektuhan ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, ipinaabot ng Bise Presidente ang matinding pag-aalala ng kanyang tanggapan sa kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga Pilipinong naninirahan sa rehiyon sa gitna ng umiigting na sigalot.

“Lubos na nababahala ang Office of the Vice President sa kapakanan ng mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan habang patuloy ang paglala ng kaguluhan,” ani Duterte.

“Bilang isang bansa, sama-sama tayong manalangin para sa kanilang kaligtasan at para sa agarang pagtatapos ng gulo sa mapayapang paraan.”

Kasabay nito, binalaan din ni Duterte ang publiko laban sa pagkalat at paniniwala sa maling impormasyon at pekeng balita kaugnay ng krisis.

“Siguraduhing sa mga lehitimong media organization lamang kayo kumukuha ng impormasyon,” babala niya.

“Makinig sa mga payo ng mga awtoridad, lalo na sa mga hakbang para sa inyong kaligtasan gaya ng evacuation at iba pa.”

Sa kabila ng tumitinding tensyon, hinimok ni Duterte ang mga Pilipino sa Israel at Iran na manatiling kalmado, matatag, at patuloy na umasa sa kapayapaan.

“Sa mga bansang sangkot sa sigalot, umaasa kaming inyong igagalang ang mga pandaigdigang batas na naglalayong protektahan ang sangkatauhan sa panahon ng digmaan,” dagdag ng Bise Presidente.

Ang panawagan ni VP Sara ay tugon sa tumitinding alalahanin ng publiko para sa kaligtasan ng mahigit 2 milyong OFWs sa rehiyon. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs at iba pang ahensya sa mga embahada upang bantayan ang sitwasyon at magsagawa ng kaukulang aksyon kung kinakailangan.