
Sa isang bansa kung saan ang pulitika ay madalas nakasandig sa apelyido, kasikatan, at impluwensya, isang matapang na paninindigan ang ipinamalas ni Pasig City Mayor Vico Sotto: Hindi siya sasali sa kahit anong partido kung ito’y para lamang sa pansariling interes. Isang posisyon na sa panahon ngayon ay tila bihirang marinig mula sa mga halal na opisyal.
Matapos ang kanyang pagbitiw sa Aksyon Demokratiko noong Hunyo, malinaw ang kanyang dahilan—wala nang pagkakapareho sa layunin at prinsipyo. At sa kabila ng alok mula sa iba’t ibang partido, mariin ang kanyang sagot: Hindi ako interesado.
Ito ang uri ng lider na kinailangan at matagal nang hinihintay ng sambayanang Pilipino—hindi alipin ng sistema, kundi handang umangat mula rito upang itaguyod ang tunay na pagbabago.
Ang pahayag ni Sotto na “mahina talaga ang political party system sa Pilipinas” ay hindi lamang obserbasyon; ito’y isang diagnosis sa matagal nang sakit ng ating demokrasya. Sa halip na ideolohiya, ang umiiral ay personalidad. Sa halip na plataporma, ang ginagamit ay popularidad. At sa halip na prinsipyo, ang umiiral ay pansariling interes.
Ang kanyang panawagan para sa mas matibay na mga partido pulitikal ay isang hamon hindi lamang sa kapwa niya politiko, kundi sa mismong institusyon ng pamahalaan. Kinakailangan na ang mga partidong pulitikal sa bansa ay hindi lamang nagsisilbing tiket para sa eleksyon, kundi tunay na kinakatawan ng paninindigan, adhikain, at direksyon para sa bansa.
Sa gitna ng panawagan ng ilan na siya’y bumuo na ng sariling lokal na partido sa Pasig, nanatiling kalmado at matatag si Sotto: Wala pa. Magfo-focus ako sa Pasig. Isang simpleng tugon, ngunit puno ng diwa ng tunay na serbisyo—hindi kapangyarihan, kundi pagtupad sa tungkulin.
Kung ang pulitika sa Pilipinas ay isang lumang bangkang palutang-lutang sa agos ng kapritso at pansariling interes, ang ganitong uri ng paninindigan ay tila ang unang hudyat ng tunay na reporma.
Hindi pa huli ang lahat. Kung mas marami pang lider tulad ni Mayor Vico Sotto ang maglalakas loob na ituon ang pulitika sa prinsipyo kaysa personalidad, maaaring muling manumbalik ang tiwala ng bayan sa sistema.
At baka sa hinaharap, ang pulitika ay hindi na magiging larong pang-iilan, kundi daluyan ng tunay na paglilingkod para sa nakararami.
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
Linisin ang Hanay—Tapusin ang “Kolek-tong” sa Calabarzon
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon