October 17, 2024

PAMILYA INC., ARTISTA, MAGSASABONG AT PARES VENDOR MAGPAPABAGSAK SA BANSA

Mga Cabalen, ang eleksiyon ay para sa sino mang nais tumakbo sa puwesto para maglingkod sa bayan basta Pilipino.

Dahil sa polisiyang ito, hindi hinadlangan ng Comelec ang pagpasok ng mga kurimaw na walang alam sa pagpapatakbo ng bansa at upang paglingkuran ang mga mamamayang Pilipino.

Ginawang takbuhan ng mga laos at malalaos na artista ang pagtakbo sa eleksiyon. Sinakop ng mga walang katinuan sa pag-iisip ang eleksiyon, gayundin ang mga celebrities na hindi na alam kung paano at saan hahanap ng kabuhayan matapos malaos o malapit nang malaos.

Tayo nga ba ay pinag-uusapan na sa buong mundo dahil sa katawa-tawang sistema na pinaiiral sa ating electoral system.

Pinagtatawanan tayo ng mundo sapagkat sumobra ang paggamit natin sa demokrasya. Ang paggamit ng karapatan ay lumabis pa sa dapat nating gamitin.

Ang mga mamamayan dahil sa kahirapan ay nagpagamit na sa mga swapang na pamilya Inc., ang mga maimpluwensya at mayayamang angkan sa bansa.

Kaya ng mga political clan na pasimuno ng mga dinastiya sa bansa. Nanalo na nga at nakaluklok na sinwapang pa pati na upuan sa Party-list system ng bansa.

Ginamit ang mga sumikat sa Facebook at mga nag-trending na sinubaybayan ng libong followers.

Wala na tayong dala. Heto at eleksiyon na naman iboboto na naman natin ang buong pamilya na sabay-sabay humahawak ng posisyon sa gobyerno. 

Hindi man lamang ba natin kayang isipin kung ano nga ba ang nagawa ng pamilya Inc. na ito sa ating ikauunlad, meron ba? Di ba’t ganito pa rin tayo? Umunlad ba tayo?

At ngayon nais pa nating idagdag ang mga mag papares at magsasabon? Maliban pa sa mga celebrity na poporma lang kapag nahalal?

Pinayaman lamang natin sila at habang tayong lahat ay naghihikahos at naghihirap pagkatapos pa din. Marami pa ring kabataan ang hindi makapag-aral, marami pa din ang sumasala sa oras, marami pa rin ang walang sariling bahay at marami pa din ang isang kahig-isang tuka.

Karamihan sa mga kupal ba pulitikong ito ang layunin lamang ay kamkamin ang pera sa kaban at magpakayaman. At gamitin ang posisyon para sa sariling kapakanan.

Tapos idadagdag pa natin ang mga artistanf laos at mga kurimaw na walang alam?

Kapal naman ng mukha ninyo! Maawa kayo sa mga Pilipino.