December 24, 2024

PAMEMEKE SA QUIBOLOY’S CHURCH IKINANTA NG LA PARALEGAL


Inamin ng isang paralegal sa Los Angeles ang kanyang papel sa pamemeke ng visa at kasal para makapasok sa US ang mga opisyal ng Kingdom of Jesus Christ o grupo ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Maria de Leon, isa siya sa siyam na indibidwal na idinidiin sa kasong labor trafficking na kinasasangkutan din ni Quiboloy at ng mga opisyal ng naturang relihiyon.

Nabatid na umamin si De Leon na kasali siya sa mga iligal na gawain ng mga opisyal ng KOJC.

Sa pamemeke umano ng dokumento, nagkakaroon ang mga taga-KOJC ng permanent residence sa US upang makapagtrabaho bilang fundraiser sa isang peke rin umanong charity na hawak ng simbahan ni Quiboloy.

Sinasabing ang mga nakakalap na pondo ay ginagamit para sa marangyang buhay ni Quiboloy, na wanted rin sa US sa kasong sex trafficking at iba pang usapin.

Dahil sa pag-amin sa kaso, nangako si De Leon na makikiisa sa mga otoridad sa ginagawang pagsisiyasat.

Tanggap naman nitong makukulong din siya ng limang taon dahil sa pag-amin sa krimen.

Gayunman, sinabi ng kampo ni Quiboloy, partikular na ng kanilang abogado na si Atty. Michael Green na hindi nila miyembro si De Leon, kaya nagtataka sila kung saan nito ibinatay ang mga testimonya.