February 6, 2025

Pambansang Buwan ng Sining ang Pebrero

NGAYONG Pebrero 2025 ay ipinagdiriwang ang taunang Pambansang Buwan ng mga Sining alinsunod sa Proklamasyon Blg. 183 na nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino (1933-2009, nanilbihan 1986-92) noong 28 Enero 1991 Lunes. Ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts o NCCA, itinatag 1992) katuwang ang iba pang tanggapan ng pamahalaan kabilang ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933), Pambansang Museo ng Pilipinas (National Museum of the Philippines, itinatag 1901), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF, itinatag 1936 at nireporma 1991), Pambansang Aklatan ng Pilipinas (National Library of the Philippines o NLP, itinatag 1887), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon o Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education o CHED, itinatag 1994), Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd, itinatag 1901), mga pribadong indibidwal, at organisasyong sumusuporta at nagtataguyod ng kultura at mga sining sa bansa.

Ang tema ng pagdiriwang ay “Ani ng Sining, Diwa at Damdamin” bilang pagkilala sa mga manlilikha mula sa marudob na damdaming makalikha ng mga sining.

Nakatakda ang pagbubukas ng pagdiriwang para sa isang makulay na parada ngayong 03 Pebrero 2025 Lunes 08:00 Umaga sa Gusali ng NCCA sa Intramuros, Lungsod Maynila. Makakasama sa programa si NCCA Arts Ambassador at Miss Universe 2018 Catriona Gray. Susundan ng Guided Tour sa Museo de Intramuros (naitayo 2019) ng Intramuros Administration (itinatag 1980) ng 10:30 Umaga.

Ang Lighting of Met Façade ay magaganap sa Metropolitan Theater (naitayo 1931, muling binuksan 2021) pagsapit ng 06:00 Gabi. Makikilahok sa gawain ang Manila City Band, Tondo Drumbeaters, at PNU Kislap Sining.

Narito ang Walong (8) Mahahalagang Impormasyon tungkol sa Pambansang Buwan ng Sining:

01. Kabatiran. Ang Pambansang Buwan ng Sining o National Arts Month ay idinaraos tuwing buwan ng Pebrero. Ang pagdiriwang ay upang ipakita ang iba’t ibang uri ng likhang-sining ng Pilipinas at ipamalas ang husay ng mga Pilipino sa kani-kanilang paglikha,

02. Kahalagahan ng Pagdiriwang. Sa pamamagitan ng Buwan ng Sining, naipapahayag ng iba’t ibang Pilipino ang kanilang isip at puso tungkol sa iba’t ibang paksa. Natutunghayan din ng mga mamamayan ang mayamang sining at kultura ng Pilipinas, at ang kahanga-hangang talento ng mga Pilipino sa paglikha ng sining.

03. Ang AACMC. Ang Alliance of Artists for the Creation of a Ministry of Culture (AAMC) ay bumalangkas at nagpatibay ng panukala para sa pagtatatag ng isang Kagawaran ng Kultura noong 12 Marso 1986 Miyerkoles. Binanggit ng samahan ang kawalan ng kakayahan ng noo’y Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, at Isports (dating Ministry, 1982-87 at naging Department of Education, Culture, and Sports o DECS, 1987-2001) na maglaan ng oras at atensyon sa mga pamamahalang pangkalinangan dahil sa napakalaking gawain ng pagtugon sa mga problema ng sistema ng edukasyon.

04. Ang PCCA. Sa bisa ng Executive Order No. 118 na nilagdaan ni Pangulong Aquino noong 30 Enero 1987 Biyernes ay naitatag ang Presidential Commission on Culture and the Arts (PCCA). Ang komisyon ay isang maliit na ahensya na nakababatid sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga nakatuong gawain ng kalinangan at ang pag-uugnay sa bawat isa.

05. Ang NCCA. Sa bisa ng Batas Republika Blg. 7356 ay naitatag ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining na pumalit sa PCCA. Ang batas ay nagtatadhana sa komisyon na bumalangkas at lumikha ng mga pambansang patakaran at programa sa kultura batay sa sumusunod na prinsipyo: una, pluralistiko, ang pagpapatibay ng malalim na paggalang sa pagkalinangang pagkakakilanlan ng bawat pook, rehiyon o etnolinguistiko na pook, kabilang ang mga salik pangkalinangang paglagom mula sa ibang mga kalinangan sa pamamagitan ng likas na kaganapan ng akulturasyon; ikalawa, demokratiko, paghikayat at pagtaguyod sa pakikilahok ng mga mamamayan sa mga gawain at proyekto; ikatlo, walang kinikilingan, bukas sa lahat ng tao, anuman ang paniniwala, kaakibat ng pananaw, ideolohiya, etnikong pinagmulan, edad, kasarian o uri, na walang samahan o organisadong grupo o sektor na may pansariling interes at monopolyo sa paglilingkod; at ikaapat, mapagpalaya, binibigyan ng pansin, pagmamalasakit, at pagpapalaya ang kaisipang Pilipino upang matiyak ang ganap na pagkilala at pamumulaklak ng kalinangang Pilipino.

06. Naibunga ng Pagkakatatag. Naging maganda at positibo ang pagkakatatag ng NCCA na nag-udyok sa pagbuo ng mga sangay pangkalinangan na nakaugnay sa bisa ng parehong batas. Sinikap na suriin ang mga umiiral na mandato at mga programa upang pagtugmain ang paghahatid ng mga serbisyong pangkalinangan.

07. Ang CCP. Ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (Cultural Center of the Philippines o CCP, itinatag 1966) ay binago ang sarili upang maging pambansang sentro ng ugnayan para sa sining ng pagtatanghal. Sinikap na alisin ang mga “elitista” sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga pagkakawanggawa, at pagbuo ng mga pakikipagtulungan sa mga lokal na lupong pansining.

08. Suporta ng Pamahalaan. Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (isinilang 1957, nagsimulang manilbihan 2022) ang layunin ng kanyang administrasyon na suportahan ang sining sa bansa. Sa kanyang mensahe ay binibigyang-diin ng pangulo ang kahalagahan ng kalayaan sa paglago ng mga manlilikhang Pilipino, at kanyang hinikayat na ipagpatuloy ang paglinang sa kanilang kakayahan at pagbibigay-karangalan sa Pilipinas.

Bata man o matanda, anumang kasarian, paniniwala, tradisyon, at antas sa buhay marapat na taas-noong ipagmalaki ang sariling sining at kultura sa kani-kaniyang pamamaraan. Kailangang mapanatili, mapagyaman, at maipasa sa susunod na salinlahi upang maipagpatuloy ang dangal ng pagiging Pilipino.

Mabuhay ang Pambansang Buwan ng Sining!