November 18, 2024

Pamasahe sa eroplano, tataas sa Setyembre

Dagdag pabigat sa mga bumabyahe sa loob o palabas ng bansa ang ipapataw na fuel surcharge rate sa darating na Setyembre. Pinahintulutan ng Civil Aeronautics Board (CAB) ng Pilipinas ang mga airline na taasan ang kanilang sisingilin na fuel surcharge rate sa Setyembre sa harap ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa nagdaang mga buwan.

Tumuntong ang singilin sa Level 6, kategorya ng CAB, kung saan sinisingil ng ₱185 hanggang ₱665 bawat pasahero sa lokal na byahe, habang ₱610.37 hanggang ₱4,538.40 sa internasyunal na byahe. Nakadepende ang sisingilin sa layo ng magiging byahe ng bawat pasahero.

Nasa Level 4 simula pa noong Hunyo ang fuel surcharge rate na pinahihintulutan ng CAB. Sa ilalim nito, naniningil ang mga kumpanya ng ₱117 hanggang ₱342 sa lokal na byahe, at ₱385.70 hanggang ₱2,867.82 para sa internasyunal na byahe.

Ang singiling ito, ayon sa CAB, ay isang “optional fee” na pwedeng ipataw ng mga airline para “bawiin ang gastos sa petrolyo.” Kinakailangan lamang umanong mag-apply ng mga airline para maaprubahan ito.