December 24, 2024

‘PAMANGKIN NI ABALOS’ TIMBOG SA COLORUM VAN

ARESTADO sa pinagsanib na pwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang di umano’y nagpakilalang pamangkin ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Kwento ni MMDA Assistant General Manager Assistant Secretary Angelo Vargas, nagsasagawa ng operasyon kontra kolorum sa Cubao, Quezon City ang special operations group sa pamumuno ni Gabriel Go nang masabat ang isang kolorum na van na bumibiyahe sa rutang Maynila-Laguna

Nang hanapan ng lisensya ang drayber, pekeng driver’s license ang ipinakita, sabay giit na kamag-anak di umano ng DILG chief fang nagmamay-ari sa minamanehong dyip.

Dito na nagpasya si Vargas na dalhin sa tanggapan ng ahensya ang drayber na agad na humingi ng saklolo (gamit ang telepono) sa operator ng pampasadang van.

Ilang sandali pa, lumutang ang isang babaeng nagpakilalang pamangkin ng Sec. Abalos at pilit na kinukuha ang van na nasa kustodiya ng MMDA. Ang hindi alam ng nagpakilalang pamangkin ni Abalos, nakipag-ugnayan na pala ang MMDA sa naturang Kalihim na nag-utos dakpin ang di umano’y kamag-anak niya. Kasalukuyang nakapiit ang hindi pinangalanang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso.