January 19, 2025

PAMAMAMAYAGPAG NI FERRER TINULDUKAN NI CONDE



Bagama’t marami ang nalungkot pero mas marami ang natuwa nang talunin ni Benson Conde si Joe Ferrer bilang barangay chairman sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na ginanap noong Oktubre 30.

Sabi ng mga kabarangay ko, sa wakas natapos na rin ang ilang dekadang pamamayagpag ni Ferrer at magkakaroon na ng bagong mukha ang Barangay San Andres.

E papaano nga naman kasi, simula nang isilang ang inyong lingkod hanggang sa magkaisip na e wala naman tayong masyadong natatandaan na ginawang proyekto ni Kapitan dito sa ating barangay lalo na riyan sa Felix.

Kung mayroon man. Paki-explain.

Biro pa nga ng mga kabarangay ko, mas marami pa raw ang naging ari-arian ni Kap keysa sa mga naging proyekto sa barangay. Ganun?! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?!

Sabi pa nila, once in a blue moon lang magpakita si Kapitan o tuwing eleksyon lamang. Kayo talaga ha, baka naman masyado lang busy ‘yung mama? Aysus!

Nagwakas ang karera ni Ferrer sa Barangay San Andres matapos lumamang si Conde ng 3,831 na boto nitong BSKE 2023.

Pumalo kasi sa 11,483 na boto ang nakuha ni Conde habang 7,652 naman ang kay Ferrer.

Samantalang, 5,486 naman ang nakuhang boto ni Konsehal Allan Tajuna habang kulelat naman si Konsehal Manny Jacob, na tumakbo ring Barangay Chairman sa Barangay San Andres.

Samantala, nagpapasalamat naman si Conde sa mga taga-San Andres sa ipinakita nitong pagtitiwala at pagmamahal sa kanya para paglingkuran ang ating barangay.

Bagama’t aminado si Conde na hindi nito matitiyak kung magagawa niya ang kanyang plataporma sa loob lamang ng dalawang taon pero sinisiguro niya na walang bahid ng korapsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Ayos!

Huwag sana siyang matulad sa ibang mga barangay chairman na walang ibang ginawa kundi lustayin ang pondo ng barangay kasabwat ang ilang tiwaling opisyal ng barangay hall. ‘Di po ba, mga suki?

Para kay Conde, dalangin namin maihatid mo ang tunay na pagbabago sa Barangay San Andres.

Muli, congratulations at good luck, incoming barangay chairman Benson Conde!

Binabati rin natin si Kokoy Sicat sa muling nitong pagiging number 1 kagawad sa Barangay San Andres at sa iba pang nagwagi. Mabuhay po kayo!