Sisimulan nang ipamahagi ang pinansiyal na tulong sa mga residente ng Metro Manila na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), ayon sa Departement of Interior and Local Government.
Aabot sa P10.89 bilyon ang nasabing cash aid at ipamamahagi sa pamamagitan ng local government units, na sila namang magbibigay ng schedule para makuha ang ayuda.
Sinabi ng DILG na hahayaan nilang dumiskarte ang bawat LGU kung paano ipapamahagi ang mga ayuda nang hindi nagkukumpulan ang mga tao.
“Doon po sa meeting ng mga NCR mayors, napagkasunduan po nila na magsimula sa Miyerkules. Sa Miyerkules po imo-monitor po ‘yan ng DSWD [Department of Social Welfare and Development] and DILG ang actual na distribution ng ayuda sa National Capital Region,” sambit ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya.
Ayon sa Malacañang, aabot sa 10.9 milyon ang mga benepisyaryo sa NCR, na makakatanggap ng tig-P1,000 ayuda kada tao o hanggang P4,000 kada pamilya.
“Dahil po dito sa Delta variant na ito, mahigpit pong ipapatupad ang social distancing at wala pong mass gathering sa pamimigay ng ayuda,” ayon kay Malaya.
“Pumayag naman po si [DILG] Secretary Eduardo Año at [DSWD] Secretary Rolly Bautista ng extension upon the request of the local government unit, kung ang dahilan ay dahil sa challenges in distributing during the time of pandemya,” dagdag nito.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chair Benhur Abalos, huwag na asahan na ipamamahagi ang ayuda nang house-to-house.
“Wag i-expect na i-bahay bahay dahil tatagal po ito,” saad niya.
May ilang LGU, tulad ng Makati, Caloocan at Muntinlupa, na gagawin na lang online ang bigayan ng ayuda para hindi na lumabas ang mga tao. Sa Pasig, hahatiin naman sa maliliit na “bubble” ang distribution area para maiwasan ang mahahabang linya.
Ayon kay Abalos, hintayin ng mga Filipino ang schedule na pamamahagi ng ayuda mula sa kanilang local government units, at mag-ingat sa maling impormasyon na ipino-post sa social media platforms.
Umiiral ang ECQ sa Metro Manila simula Agosto 6 hanggang 20 dahil sa banta ng Delta variant.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE