Kumpiyansa raw ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas magiging mabilis ang pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng ikalawang tranche ng social amelioration program (SAP).
Pero kabaligtaran ito sa tunay na nangyayari sa isang barangay sa Lungsod ng Maynila, ayon sa ating repa na si Felix Laban.
Ang siste kasi mga repa, natatagalan daw ang pamamahagi ng second tranche ng SAP sa kanilang barangay dahil lamang sa pirma ng isang kagawad.
Bukod pa riyan, natatakot daw itong sa kagawad na makasuhan dahil sa pagtanggap ng dobleng ayuda mula sa unang wave ng nasabing SAP.
Matagal na raw hinahanap itong si kagawad ng kanyang mga kabarangay para lamang sa kanyang pirma upang maipamahagi na ang second tranche ng SAP sa kanilang lugar.
Pinagpipilitan pa raw ng ungas na ito na hindi raw siya pipirma anuman ang mangyari.
Pumiyok din ito na ibabalik na lang ang pera na nakuha niyang doble mula sa unang wave ng ayuda ng DSWD.
Ikinanta rin ni kagawad na hindi lamang siya ang tumanggap ng doble kundi mayroon din siyang mga kasama.
Magkahalong galit at pangamba ang nararamdaman ngayon ng ilang residente sa nasabing barangay na baka hindi maaprubahan ng DSWD ang kanilang SAP dahil kulang ng isang pirma ng isang barangay kagawad.
Ang naturang barangay ay sakop ng District 3 sa Maynila.
Nagbanta rin ang mga residente rito na kanilang ibubulgar kay DILG Secretary Eduardo Año ang mga nangyaring anomalya sa kanilang barangay kaugnay sa pamamahagi ng SAP ng DSWD.
o0o
Atin ding bigyan pansin ang reklamo rin sa pamamahagi ng second tranche ng SAP dito sa amin sa Barangay San Andres, Cainta Rizal.
Pambili na nga lang daw ng isang kilong bigas, kinultab pa ng mga utak-sindikatong mga tao na nagpakilala na mga bata ni Mayor Kit Nieto at Kap. Jose Ferrer, ang may 400 residente sa Sitio Planters.
Hinihingan daw ng P40 ng bawat isa ng nagpakilalang mga tao ng dalawang opisyales ang mga hikahos na residente ng nasabing lugar, kasabay ng katiyakan na sila’y mapapasama sa 2nd tranche ng SAP ng DSWD.
Hindi ako naniniwalang palalagpasin ito ni Mayor Kit. Abangan.
o0o
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09460243433 o mag-email sa [email protected].
More Stories
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA
‘DI NATATAKOT SA KARMA ANG MGA NAGPAPANGGAP NA PWD