December 24, 2024

PAMAHALAAN AT PUBLIKO, DAPAT MAGKAISA’T MAGTULUNGAN UPANG LABANAN ANG TERORISMO

Ngayong nakapasa na bilang isang batas ang Anti-Terror Act 2020, mga Ka-Sampaguita, mahalagang magkaroon ng partisipasyon ang mamamayan upang labanan ang terorismo.

Ang kailangan ay makipagtulungan ang sambayanan sa ating pamahalaan, sa kasundaluhan, sa mga kapulisan— upang masawata at mapigilan ang anumang aktibidad na may kinalaman sa terorismo.

Ang tanong, sino ba ang mga terorista o mga manliligalig? Maituturing bang terorista ang rebolusyunaryong grupo o samahan? Sa ganang akin, mga kababayan, naiintidihan ko ang saloobin nila. Saloobin at kinimkim na bugso ng dadamin… ng galit at hinaing sa bawat nagdaang administrasyon. Maging sa iba’t-ibang panig ng mundo ay problema ang karahasang hatid ng terorismo.

Bugso ng damdamin na nagnanais lamang na makaalis sa pagkakaipit at mapabigyan ang kanilang ipinaglalaban. Kagaya rin natin sila noon, na nakita at hindi masikmura ang maling pamamalakad ng gobyerno— pati na ang mga tiwali sa loob nito. Anupa’t ang sigalot sa pagitan nila at ng gobyerno ay bunga lamang ng hindi pagkakaunawaan.

Kawawa ang maliliit sa kanila na nasa gipit na kalagayan. Gayunman, aminin man natin o hindi, na kahit papaano ay may ilang nagnanais magbalik-loob sa kanila sa pamahalaan.

Sa pagitan ng nag-uumpugang bato sa pagitan ng rebolusyonaryo’t gobyerno , hindi maiiwasang may madamay na sibilyan sa engkwentro; gayung ang puntirya lalang nila ay ang makaganti at makapanakit ng kalaban. May ilan sa kanila na talagang nadimlan na at ang ilan ay may pasintabi pa. Nakalulungkot ang gayung senaryo, mga Ka-Sampaguita.

Gayunman, ang kahinaan nila ay baka samantalahin ng makasarili— o ng talagang naghahasik ng terorismo. Sino baga ang mga terorista? Sila ang mga walang patumangga kung maghasik ng katatakutan at karahasan. Walang sinisino. Makukuhang pumatay at lumipol ng kanilang kalaban, kasehodang madamay pa ang mga sibilyan— dahil sa kanilang paniniwala’t ipinaglalaban.

Masakit mang isipin mga kababayan— ang kahirapan ang unang-unang dahilan kung bakit may ilan na umaanib sa grupo ng terorista; maging kapalit man ng mga buhay ng mga mamamayan— ang remedy sa pagkalam ng sikmura at pag-abot sa kani-kanilang mga pangarap.

Kung nakakapanood kayo ng mga pelikula na may tema tungkol sa terorismo gaya ng ‘The Foreigner’ kung saan bida si Jacky Chan, kasama si Pierce Brosnan, karaniwang umaatake at pumapatay ang mga terorista sa mga matataong lugar. Sa gayun ay maipakita nila ang kanilang bangis at dominasyon, maging sa mamamayan man at sa pamahalaan.

Gayundin sa pelikulang Collateral Damage’ ni idol Arnold Schwarzenegger, Die Hard ni Bruce Willis, Face Off nina Nicolas Cage at John Travolta at The Rock nina Sean Connery, Nicolas Cage at Ed Harris.

Bukod sa pagpapasabog, ilan din sa mga krimeng kinasasangkutan ngmga terosrista ay ang pang-aabuso sa mga bata, paninirang-puri, kidnapping, black mail at iba pa.

Upang magtagumpay tayo laban sa terorismo, kinakailangang maging mapagmatyag ang bawat indibidwal sa mga publikong lugar. Maging alerto sa lahat ng oras. Kinakailangang nandiyan lagi ang presensiya ng militar at mga kapulisan, upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Sa gayun ay mapigilan ang anumang banta ng pagsalakay at paghahasik ng karahasan ng mga grupong mapanligalig.

Tayo… at ang mga kinauukulan ay dapat magtulungan at magkaisa upang labanan ito. Hindi ang pagkakabaha-bahagi, dahil binibigyan lang natin ng pagkakataon ang mapanligalig upang sila ay magtagumpay sa kanilang maitim na hangarin. Adios Amorsekos.