December 27, 2024

Paltik hindi pumutok, target na negosyante binato nalang ng gunaman ng baril sa mukha

MASUWERTE na sugat lang ang tinamo ng 70-anyos na negosyante makaraang batuhin ng baril sa mukha ng hindi kilalang gunman nang hindi pumutok ang gamit nitong paltik sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Sa nakarating na report kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-4:10 ng hapon, nakaupo ang biktimang si Jaime Go ng 37 Bautista St. Brgy. Panghulo sa loob ng bahay sa No. 84 Espiritu St., Brgy. Tinajeros nang sumulpot ang suspek na nakasuot ng long sleeve, itim na short pants at itim na cap.

Kaagad naglabas ng baril ang suspek at walang sabi-sabing binaril ang biktima subalit, sa kabutihang palad ay hindi pumutok ang armas.

Sa gigil ng salarin ay ibinato na lamang niya sa mukha ng biktima ang kalibre .38 baril at mabilis na tumakas gamit ang isang bisikleta patungong Sanchez Street nang humingi na ng tulong ang 35-anyos na babaing kasambahay ng matanda na nakasaksi sa pangyayari.

Isinugod ng kasambahay ang kanyang amo sa Tondo Medical Center matapos na nagtamo ng malalim na sugat sa mukha habang narekober ng mga pulis ang naturang baril na kargado ng apat na bala.

Inaalam pa nina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Mardelio Osting ang motibo ng suspek sa tangkang pagpatay sa negosyante habang iniutos na ni Col. Daro ang pagtugis sa salarin.