January 24, 2025

Palpak na materyales ng barrier sanhi daw ng aksidente sa motorsiklo

PALPAK na gawa o maling materyales ang ginamit kaya nagkaroon ng aksidente sa mga motorsiklong may nakakabit na barriers.

Ito ang dipensa ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa mga kritiko ng paglalagay ng barrier sa mga motorsiklo para makapag-angkas.

Ayon kay Malaya, napag-alaman nilang isa sa naaksidenteng motorsiklo ay gumamit ng salamin, taliwas sa inaprubahan ng inter-agency task force at national task force against COVID-19 na acrylic plastic o mga kahalintulad na materyales ang gamitin para sa barrier.

Giit ni Malaya, isang buwan nang ginagamit sa Bohol ang motorcycle barriers at dumaan ito sa masusing pag-aaral ng technical working group.

Dagdag pa ng opisyal, kailangan talaga ng barrier sa mga motorsiklo lalo’t lumitaw na mayroong nagba-backride na di naman mga asawa o magkasama sa iisang bahay.

Samantala, hinimok naman ng undersecretary ang iba pang mayrong disenyo ng barrier na isumite ito sa IATF at NTF bago ang July 31 deadline para maikunsidera at mapag-aralan.