January 25, 2025

PALASYO: SERBISYO NG GLOBE AT SMART, NAPABUTI BA? (Palugit ni Duterte hanggang ngayong Disyembre)

KINALAMPAG ng Malacañang ang National Telecommunications Commission upang ayusin ang pangit na serbisyo ng Smart at Globe habang malapit nang matapos ang ibinigay na palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda ngayong Disyembre.

Nanawagan si Presidential Spokesperson Harry Roque sa NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan para malaman ng publiko kung may nagawa na bang aksiyon ang Globe at Smart para mapahusay ang kanilang serbisyo.

“Kinakailangan po natin ng kasagutan dito dahil ang NTC ang regulatory agency ng ating mga telcos, para malaman natin kung nagkaroon na nga ng improvement,” saad ni Roque sa kanyang regular briefing.

Ayon kay Roque, mismo siya ay biktima aniya ng pangit na serbisyo ng telcos dahil napuputol ang kanyang mga tawag sa mobile phone o kung hindi man ay mistulang tunog robot ito o ang kanyang kausap sa telepono.

“Pero sa aking experience po, ang aking celphone imposible pa rin. Hindi po talaga maka-contact sa cellphone. Ang ginagamit ko ngayon viber, whatsapp,yung voice over internet protocol. Sa tingin ko po wala pang improvement, wala pang malaking improvement,” dagdag ni Roque.

Sa mobile data services kumapit ang mga Filipino nang magsimula ang COVID-19 pandemic sapagkat kailangan nila ito para makapagtrabaho at mag-aral sa bahay.

Matatandaan na pinagbantaan ni Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address noong Hulyo ang Smart Communication at Globe Telecom kung hindi nito aayusin ang serbisyo hanggang Disyembre.

Hindi ito ang unang pagkakataon na binalaan ng Pangulo ang telcos. Matapos manalo noong 2016 presidential elections, nagbanta si Duterte sa mga kompanya na kung hindi sila makapagbibigay ng mabilis na internet connection ay sa iba na lamang na foreign investors niya ito ipapatrabaho.

Sang-ayon naman si Roque na panahon na talaga upang pumasok at makapag-operate na ang third telco para mayroong alternatibo o kaya ay opsiyon ang publiko sa kanilang telephone at internet provider.